Bakbakang Palestinian-Israeli at relasyong Sino-Amerikano, pinag-usapan nina Wang Yi at Blinken

2023-10-15 15:04:39  CMG
Share with:

Sa pag-uusap sa telepono, Oktubre 14, 2023 nina Wang Yi, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Ministrong Panlabas ng bansa, at Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, sinabi ng una na patuloy ang paglala ng bakbakang Palestinian-Israeli.


May posibilidad na mawala sa kontrol ang situwasyon, dagdag niya.


Tinututulan aniya ng panig Tsino ang anumang aksyong nakakasakit sa mga sibilyan, at kinokondena ang anumang kagawiang lumalabag sa pandaigdigang batas.


Ipinalalagay ng panig Tsino na ang pangangalaga sa sariling seguridad ay hindi dapat maging sa kapinsalaan ng mga sibilyan, diin ni Wang.


Ayon kay Wang, may tatlong pinakamahalagang gawain sa kasalukuyan, gaya ng: agarang pagpapahupa sa tensyon upang maiwasan ang paglala ng makataong kapahamakan; pagpapatupad ng pandaigdigang makataong batas at pagbubukas ng makataong koridor; at pagganap ng papel ng United Nations Security Council (UNSC) sa pagresolba sa isyu.


Nananawagan aniya ang panig Tsino na idaos ang pandaigdigang pulong-pangkapayapaan para mapasulong ang pagkakasundo.


Sa pangangasiwa sa mga maiinit na isyung panrehiyon at pandaigdig, dapat igiit ng malalaking bansa ang obdiyektibo at pantay na posisyon, panatilihin ang pagtitimpi, at ipatupad ang pandaigdigang batas, saad niya.


Kaugnay nito, kailangan aniyang totohanang gampanan ng panig Amerikano ang konstruktibong papel para mapasulong ang kalutasang pulitikal ng naturang isyu.


Umaasa si Wang, na magkasamang magsisikap ang Tsina’t Amerika upang isakatuparan ang napagkasunduan ng mga lider ng dalawang bansa sa Bali, Indonesya upang maibalik ang relasyong Sino-Amerikano sa landas ng matatag na pag-unlad.


Salin: Lito

Pulido: Rhio