London — Sa seremonya ng pasinaya, Oktubre 12, 2023 (lokal na oras) sa pandaigdigang palabas na pinangalanang “Journey Through Civilizations” ng China Media Group (CMG), sinabi ni Presidente Shen Haixiong ng CMG, na ang lipunan ng sangkatauhan ay nasa panahon ng napakalaking pagbabago.
Aniya, sa harap ng mga katanungang pangkasaysayan, pansiglo, at pandaigdig, nagpupunyagi ang mga Tsino para maitayo ang modernong sibilisasyon ng Nasyong Tsino at mapasulong ang bagong progreso ng sangkatauhan.
Igigiit ng CMG ang misyong pang-media, at palalaganapin ang sibilisasyong Tsino para mapalakas ang pagpapalitang pangkultura ng Tsina at Europa, at makapagbigay ng katalinuhan at lakas sa pagpapasulong ng pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng sangkatauhan, ani Shen.
Sa kanya namang hiwalay na mensahe, ipinahayag ni Yang Xiaoguang, Charge d' Affaires ng Embahadang Tsino sa Britanya, na sapul nang pumasok ang 2023, mabilis na napapanumbalik ang pagpapalitan at pagpapalagayan ng mga Tsino at Briton sa iba’t-ibang larangan.
Sa pamamagitan ng mga palabas na tulad ng “Journey Through Civilizations” sa Britanya, umaasa siyang mahihikayat at masusuportahan ang pagpapalitan at pagtutulungang pangkultura ng dalawang bansa, mapapalalim ang pag-uunawaan ng mga mamamayan, at makakapagbigay ng ambag sa malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Britaniko.
Samantala, isang culture salon ang idinaos din sa seremonya ng pagbubukas kung saan pinag-usapan ng mga eksperto at iskolar na Britaniko ang mga temang tulad ng pagpapalakas ng pandaigdigang pagpapalitang tao-sa-tao, at katuturan ng diyalogong pansibilisasyon sa mapayapang pag-unlad ng daigdig.
Mahigit 80 panauhing kinabibilangan ng kinatawan ng Embahadang Tsino sa Britanya, mga dayuhang diplomata sa Britanya, kilalang eksperto, iskolar, at batang estudyanteng Britaniko ang dumalo sa pagtitipon.
Salin: Lito
Pulido: Rhio