Pangulo ng Tsina at Kazakhstan, nagtagpo

2023-10-17 15:53:38  CMG
Share with:

Sa pagtatagpo ngayong araw, Oktubre 17, 2023 sa Beijing nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at Pangulong Kassym-Jomart Tokayev ng Kazakhstan, tinukoy ni Xi, na katig ang Tsina sa pangangalaga ng Kazakhstan sa sariling indipendiyensya, soberanya at kabuuan ng teritoryo.

 

Dapat din aniyang palakasin ng dalawang bansa ang kooperasyon para pasulungin ang pagkakamit ng mas maraming bunga ng Belt and Road Initiative (BRI).

 

Kasama ng Kazakhstan, nakahanda ang Tsina na pasimplehin ang kalakalan at pamumuhunan, palawakin ang pag-aangkat ng Tsina sa mas maraming produktong agrikultural ng Kazakhstan, at palakasin ang kooperasyon sa enerhiya at transportasyon, ani Xi.

 

Saad pa ng pangulong Tsino, kailangan ding pasulungin ng dalawang bansa ang pag-unlad ng mga bagong sibol na kooperasyon na gaya ng transnasyonal na e-commerce, AI, at big data.

 

Samantala, matatag na tinututulan ng Tsina ang pakikialam ng mga dayuhang puwersa sa mga suliraning panloob ng mga bansa ng Gitnang Asya, dagdag ni Xi.

 

Ipinahayag naman ni Tokayev na palaging matatag ang suporta at aktibong lumalahok ang Kazakhstan sa kooperasyon ng BRI.

 

Kaugnay nito, naniniwala aniya siyang magiging matagumpay ang Ika-3 Belt and Road Forum for International Cooperation (BRF).

 

Kasama ng Tsina, nakahanda ang Kazakhstan, na patuloy at matatag na palalimin ang aktuwal na kooperasyon at pahigpitin ang pagpapalitang pangkultura at tao-sa-tao, saad ni Tokayev.

 

Aniya pa, mahalaga ang makatarungang paninindigan at positibong papel ng Tsina sa mga suliraning pandaigdig na gaya ng isyu ng Ukraine.

 

Sa kabilang dako, magkasamang sinaksihan nina Xi ang Tokayev ang paglagda ng dalawang panig sa mga dokumento ng kooperasyon.

 

Si Tokayev ay dumadalo sa ika-3 BRF.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio