Op-ed: Durian ng Pilipinas, mabilis na pumapasok sa Tsina

2023-10-19 11:48:48  CMG
Share with:

Ngayong taon ay ika-10 anibersaryo ng pagkakaharap ng Belt and Road Initiative (BRI).


Sa ilalim ng temang “Magkakasamang De-kalidad na Konstruksyon ng Belt and Road Tungo sa Sama-samang Pagsasakatuparan ng Komong Kaunlaran at Kasaganaan,” idinaos sa Beijing, Oktubre 18, 2023 ang Ika-3 Belt and Road Forum for International Cooperation (BRF).

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na sa loob ng 10 taong nakalipas, patuloy na iginigiit ng mga bansang kalahok sa inisyatiba ang orihinal na aspirasyon ng pagkakatatag nito, at magkakapit-bisig na isinusulong ang pandaigdigang kooperasyon ng BRI.


Dahil dito, natamo aniya ang kapansin-pansing bunga.


Bagama’t may diperensya sa opinyon ng Tsina at Pilipinas sa isyu ng South China Sea, walang patid pa ring lumalalim ang ugnayan sa pagitan ng BRI, at “Build-Build-Build” at “Build-Better-More,” nitong 10 taong nakalipas.  


Malalaking bungang nakakapaghatid ng aktuwal na kapakanan sa mga mamamayan ng kapuwa bansa ang natamo.

Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Tsina noong unang dako ng kasalukuyang taon, isang magkasanib na pahayag na tumutukoy sa lubos na pagpapahalaga ng dalawang panig sa imprastruktura ang ipinalabas.


Ayon pa rito, nakahandang palakasin ng Pilipinas at Tsina ang kooperasyon sa mga larangang kinabibilangan ng agrikultura, imprastrukura, enerhiya, at kultura.


Isa sa mga natamong bunga ng nasabing pagbisita ay pagkakamit ng konsenso sa pagluluwas ng durian ng Pilipinas sa Tsina.

Ito ay isang napakabuting balita para mga magsasaka ng Davao.


Ang Pilipinas ay ang ika-3 bansang nakakuha ng pahintulot sa pagluluwas ng durian sa Tsina, kasunod ng Thailand at Biyetnam.


Ayon sa isang editoriyal ng “Manila Bulletin,” aktuwal na mabebenepisyuhan ng nasabing pagluluwas ang mga mamamayan ng Davao, at ibayo pa nitong pasisiglahin ang potensyal ng pag-unlad ng industriya ng durian sa lokalidad.

Si Elyven Idulsa, Superbisor ng Belviz Farm sa Davao

Samantala, sa kanyang panayam sa Serbisyo Filipino ng China Media Group (CMG), sinabi ni Elyven Idulsa, Superbisor ng Belviz Farm sa Davao, na makaraang mapayagan ang pagluluwas ng durian sa Tsina, malaking pagbabago ang nangyari sa kanyang pamumuhay.


Tumaas aniya ang kanyang kita, at bumuti ang pamumuhay ng kanyang pamilya.


“Ibayo pa akong magpupunyagi upang mapataas ang bolyum ng produksyon ng durian,” saad ni Idulsa.


Ayon naman sa ulat kamakailan ng Hongkong and Shanghai Banking Corporation Limited (HSBC), dahil sa pangangailangan ng mga mamimiling Tsino sa durian, tumaas ng 400% kumpara sa tinalikdang taon, ang pangangailangan ng durian sa buong mundo.

Ang merkadong Tsino ay katumbas ng 91% ng pamilihan ng durian sa buong daigdig, dagda ng ulat.


Nitong 2 taong nakalipas, $US6 bilyon ang halaga ng ini-angkat na durian ng Tsina mula sa iba’t-ibang bansa.


Ayon pa sa datos ng Pangkalahatang Administrasyon ng Adwana ng Tsina, sa mga ina-angkat na prutas ng Tsina, ang saging at durian ang pinakamarami.


Ang merkadong Tsino na may napakalaking potensyal, ay nagkakaloob ng mahalagang pagkakataon para sa Pilipinas.


Ayon sa Kagawaran ng Agrikultura ng Pilipinas, pinaplano ng bansa na magluwas ng di-kukulangin sa 54 na libong toneladang primera klaseng durian sa Tsina.


Ito ay hindi lamang magpupuno sa lumalaking pangangailangan ng pamilihang Tsino, kundi makakatulong din sa pagpapataas ng kita ng mga magsasakang Pilipino at magpapabuti ng kanilang buhay.


Ang tema ng Ika-3 BRF, na “Magkakasamang De-kalidad na Konstruksyon ng Belt and Road Tungo sa Sama-samang Pagsasakatuparan ng Komong Kaunlaran at Kasaganaan,” ay tunay na nagpapakita ng panalu-panalong resulta.

Sa Ika-20 China-ASEAN Expo (CAExpo) na idinaos mula Setyembre 16 hanggang 20 sa Nanning, punong lunsod sa rehiyong awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi ng Tsina, di kukulangin sa $US8 milyon ang kinita ng 15 kalahok na negosyanteng Pilipino.

Ang “Puyat Durian,” ay naging “star product” sa nasabing ekspo.


Sa Davao, Php100 ang presyo ng isang kilo ng Puyat Durian; ngunit sa CAExpo, Php700 ang presyo ng isang kilo nito.

Kaugnay nito, pinaplano ng Pilipinas na i-promote ang durian sa gaganaping Ika-6 na China International Import Expo (CIIE) sa lunsod Shanghai.


Kaugnay nito, ipinahayag Oktubre 6, 2023 ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI) ng Pilipinas, na 17 kompanyang Pilipino ang lalahok sa Ika-6 na CIIE, at ang durian ay magiging tampok ng delegasyong Pilipino.


Sa pamamagitan ng BRI, mabilis na pumapasok sa merkdong Tsino ang durian ng Pilipinas.

Bilang prutas ng magkaibigan, napakabagay na pagsaluhan ng pamilya at mga kaibigan ang durian.


Sa katulad na paraan, sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan, pinagtitipun-tipon ng BRI ang rehiyon at buong mundo upang ibahagi ang pag-unlad, kapayapaan, at pakikipagkaibigan.


May-akda / Salin: Lito

Pulido: Rhio