Sa kanyang pakikipagtagpo kay Ahmad Abuel-Gheit, Pangkalahatang Kalihim ng League of Arab States (LAS), Oktubre 21, 2023 sa Cairo, Ehipto, nanawagan si Zhai Jun, Espesyal na Sugo ng Pamahalaang Tsino sa isyu ng Gitnang Silangan, para sa agarang pagsasakatuparan ng tigil-putukan sa Gaza at pagbibigay ng makataong tulong sa lokalidad para mapigilan ang makataong krisis.
Ipinahayag din ni Zhai ang pagkalungkot sa maraming kasuwalti sa mga sibiliyan at paglalala ng makataong kalagayang dulot ng sagupaan sa pagitan ng Israel at Palestina.
Dapat aniyang panumbalikin ang talastasang pangkapayapaan sa pundasyon ng pagsasakatuparan ng "two-state solution.”
Ito ang tanging paraan para malutas ang sagupaan ng dalawang panig, saad ni Zhai.
Sinabi niyang kinakatigan ng Tsina ang LAS sa pagganap ng mahalagang papel sa isyu ng Palestina at pagsasagawa ng mga bansang Arabe ng medyasyon para rito.
Ipinahayag naman ni Ahmad Abuel-Gheit na ang kasalukuyang pangunahing gawain ay pagpapasulong ng tigil-putukan at agarang pagkakaloob ng makataong tulong sa mga mamamayan ng Gaza.
May responsabilidad aniya ang komunidad ng daigdig sa pagpapasulong ng talastasang pangkapayapaan at pulitikal na kalutasan sa isyu ng Palestina.
Hanga ang panig Arabe sa obdiyektibo at makatarungang paninindigan ng Tsina sa isyu ng Palestina at mananatili ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa panig Tsino upang malutas ang sagupaan at mapanumbalik ang proseso ng kayapaan sa Gitnang Silangan, dagdag niya.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio