Xi Jinping at Olaf Scholz, nag-usap via video link

2023-11-04 14:23:04  CMG
Share with:

Sa pamamagitan ng video link, nag-usap Oktubre 3, 2023 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Chancellor Olaf Scholz ng Alemanya.


Tinukoy ni Xi na bilang komprehensibo’t estratehikong katuwang ng isa’t-isa, iginigiit ng Tsina at Alemanya ang diwa ng pagkakaroon ng mutuwal na kapakinabangan at panalu-nalong resulta upang magkasamang sumulong. Ito aniya ay mahalagang karanasan ng maalwang pag-unlad ng relasyong Sino-Aleman nitong ilampung taong nakalipas.


Sinabi ng Pangulong Tsino na sa kasalukuyan, matatag na umuunlad ang kalakalang Sino-Aleman, masigla ang pamumuhunan sa isa’t-isa, at nagiging mas matatag at masigla ang kooperasyon ng kapuwa bansa.


Kaugnay ng gaganaping Ika-6 na China International Import Expo (CIIE), sinabi ni Xi na lalahok ang mahigit 130 bahay-kalakal na Aleman sa ekspong ito na lubos na nagpapakita ng malaking kompiyansa ng mga kompanyang Aleman sa pag-unlad ng Tsina.


Umaasa aniya siyang igigiit ng panig Aleman ang pagbubukas sa mataas na lebel para sa mga kompanyang Tsino na nagnenegosyo sa Alemanya.


Dagdag niya, bilang dalawang responsableng malaking bansa, ang Tsina at Alemanya ay hindi lamang dapat paunlarin ng mabuti ang kanilang bilateral na relasyon, kundi dapat ipagtanggol ang kaayusang pandaigdig at multilateralismo upang magkasamang harapin ang mga pandaigdigang hamon.


Umaasa ang panig Tsino na magsisikap ang panig Aleman kasama ng panig Tsino upang mapangalagaan ang pantay na kompetisyon ng merkado at malayang kalakalan at maigarantiya ang matatag na kadena ng industriya at pagsuplay sa buong mundo, diin pa ni Xi.


Ipinahayag naman ni Scholz na napakahalaga ng relasyong Aleman-Sino para sa Alemanya.


Nakahanda aniya ang Alemanya na panatilihin ang mainam na relasyon ng kapuwa bansa, patuloy na palalimin ang kooperasyon sa iba’t-ibang larangan.


Nakahandang magsikap ang Alemanya upang mapasulong ang positibong pag-unlad ng relasyong Sino-Europeo, saad pa ni Scholz.


Salin: Lito

Pulido: Ramil