Xi Jinping at Punong Ministro ng Gresya, nagtagpo

2023-11-04 14:24:21  CMG
Share with:

Beijing— Sa kanyang pakikipagtagpo Oktubre 3, 2023 kay Kyriakos Mitsotakis, dumadalaw na Punong Ministro ng Gresya, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na nitong kahalating siglong nakalipas sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Gresya, nananatiling malusog ang pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.


Pinahahalagahan aniya ng Tsina ang tradisyonal na pagkakaibigan sa Gresya. Nakahandang magsikap ang Tsina kasama ng Gresya para mapasulong pa ang komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa, ani Xi.


Ipinahayag ni Xi ang kahandaan ng Tsina na palakasin kasama ng Gresya ang kanilang kooperasyon sa mga larangang gaya ng komunikasyon, bapor, enerhiya, telekomunikasyon, at pinansya, palawakin ang pagkakataong pangkooperasyon sa luntiang ekonomy, didyital na ekonomy, at inobasyong pansiyensiya’t panteknolohiya, at pasulungin ang de-kalidad na magkasamang konstruksyon ng “Belt and Road.”


Ang kasalukuyang taon ay ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at Unyong Europeo (EU).


Kaugnay nito, tinukoy ni Xi na ang relasyong Sino-Europeo ay may kaugnayan hindi lamang sa kapakanan ng mga mamamayang Tsino at Europeo, kundi maging kapayapaan, katatagan, at kasaganaang pandaigdig.


Nakahandang magsikap ang panig Tsino kasama ng panig Europeo para komprehensibong mapasigla ang kooperasyon ng kapuwa panig sa iba’t-ibang larangan, diin pa niya.


Ipinahayag naman ni Mitsotakis na buong tatag na iginigiit ng kanyang bansa ang prinsipyong isang-Tsina.


Lubos aniyang hinahangaan ng Gresya ang pantay at makatarungang posisyon ng panig Tsino sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.


Nakahanda ang Gresya na maging tulay para sa kooperasyong Europeo-Sino, diin niya.


Salin: Lito

Pulido: Ramil