Kaugnay ng resolusyong bilang 2712 na pinagtibay Nobyembre 15, 2023 ng United Nations Security Council (UNSC) hinggil sa Gaza, idiniin ni Zhang Jun, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, na ang susi ay tama at kompletong pagsasakatuparan ng mga kasangkot na panig ng kahilingan ng resolusyon.
Sinabi ni Zhang na may positibong katuturan ang resolusyong ito para mapigilan ang pagganap ng mas malubhang makataong krisis.
Ipinahayag ni Zhang na umaasa ang panig Tsino na batay sa kahilingan ng resolusyon, agarang maisasakatuparan ang pangmatagalang humanitarian pauses para maigarantiya ang sustenableng pagtigil ng sagupaan na may sapat na araw para isagawa ng mga makataong organisasyon ng UN, International Committee of the Red Cross, at iba pa ang komprehensibong makataong aksyon, na kinabibilangan ng paghahanap at pagliligtas ng mga nawawalang bata, paglilipat at pagpapagamot sa mga malubhang may-sakit at sugatan, at pagpapanumbalik ng mahahalagang imprastruktura.
Ani Zhang, lubos na ikinababahala at matatag na tinututulan ng panig Tsino ang mga aksyon sa Gaza Strip na lantarang labag sa pandaigdigang batas na humanitario.
Dagdag pa ni Zhang na dapat isaalang-alang ng UNSC ang pagtatatag ng mga mekanismo para isagawa ang mga susunod na aksyon, pagsusuperbisa at pag-ulat ng kalagayan ng pagsasakatuparan ng resolusyon.
Idiniin din niyang ang anumang plano hinggil sa kinabukasan ng Gaza Strip ay dapat gumalang sa hangarin at nagsasariling pagpili ng mga mamamayan ng Palestina.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil/Jade