Pangulong Tsino, nagtalumpati sa BRICS virtual summit tungkol sa isyu ng Palestina at Israel

2023-11-21 21:15:10  CMG
Share with:

Beijing — Dumalo at bumigkas ng mahalagang talumpati gabi ng Nobyembre 21, 2023 si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa BRICS extraordinary virtual summit tungkol sa isyu ng Palestina at Israel.


Unang una, ipinaabot ni Pangulong Xi ang mainit na pagtanggap sa mga lider ng mga bagong kasaping bansa ng BRICS, at ang pasasalamat sa ibinigay na pagsisikap ni Pangulong Matamela Cyril Ramaphosa at pamahalaan ng Timog Aprika.


Sinabi ni Xi na sa kasalukuyang kalagayan, lubos na napapanahon at kinakailangan ang paglabas ng mga bansang BRICS ng makatarungan at mapayapang tinig.


Aniya, lubos na ikinababahala ng panig Tsino ang bakbakan sa Gaza Strip. Sa kasalukuyan, dapat agarang itigil ng iba’t-ibang nagsasagupaang panig ang putukan, itigil ang lahat ng karahasan at atake sa mga sibilyan, at palayain ang mga nakukulong na sibilyan upang maiwasan ang ibayong paglala ng makataong krisis. Dapat aniyang igarantiyang maging maligtas at maalwan ang mga makataong panaklolong koridor para ipagkaloob ang mas maraming makataong tulong sa mga sibilyan sa Gaza. Dapat ding isagawa ng komunidad ng daigdig ang mga aktuwal na hakbangin para mapigilan ang paglawak ng sagupaan, saad ng Pangulong Tsino.


Sinusuportahan ani Xi, ng panig Tsino ang resolusyong pinagtibay noong Oktubre 27 ng pangkagipitang espesyal na pulong ng Pangkalahatang Asemblea ng United Nations (UN).

Bilang kasalukuyang bansang tagapangulo ng UN Security Council (UNSC), hilihiling ng Tsina sa iba’t-ibang panig na isakatuparan ang resolusyon bilang 2712 ng UNSC.


Ani Xi, maraming beses niyang ipinagdiinan na ang pagsasakatuparan ng “two-state solution” ay ang pundamental na kalutasan sa sagupaan ng Palestina at Israel.


Dapat aniyang panumbalikin ang lehitimong karapatan ng Palestina, at itatag ang nagsasariling bansang Palestina. Kung di makatarungang malulutas ang isyu ng Palestina, walang pangmalayuang kapayapaan at katatagan sa Gitnang Silangan, diin niya.


Nanawagan ang panig Tsino na idaos ang makapangyarihang pandaigdigang pulong sa pinakamadaling panahon para pagtipun-tipon ang pagkakasundong pandaigdig at mapasuong ang komprehensibo, makatarungan, at pangmalayuang paglutas sa isyu ng Palestina, dagdag pa niya.


Ipinangako rin ni Pangulong Xi na ayon sa pangangailangan ng mga mamamayan sa Gaza, patuloy na ipagkakaloob ng panig Tsino ang tulong na materiyal.


Salin: Lito