Mga ministrong panlabas ng Tsina at Palestina, nagpadala ng mensaheng pambati sa ika-35 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko

2023-11-21 15:55:20  CMG
Share with:

Nagpadala kahapon, Nobyemre 20, 2023 sina Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, at kanyang counterpart na si Riyad Al-Maliki ng Palestina, ng mensahe sa isa’t isa bilang pagbati sa ika-35 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.

 

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Wang na sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, nananatiling matatag at malusog ang pag-unlad ng kanilang relasyon at lumalalim ang pagkakaibigan ng kanilang mga mamamayan.

 

Sinabi pa ni Wang na lubos na ikinababahala ng panig Tsino ang kasalukuyang kalagayan ng Gaza Strip, at palagiang iginigiit ng Tsina na dapat agarang itigil ang putukan, pangalagaan ang mga sibilyan, pahupain ang makataong kalagayan at isakatuparan ang “Two-State Solution.”

 

Aniya pa, patuloy na magsisikap ang Tsina para komprehensibo, makatarungan at sustenableng lutasin ang isyu ng Palestina sa lalong madaling panahon.

 

Ipinahayag naman ni Maliki na matatag na kinakatigan ng kanyang bansa ang mga mungkahi ng Tsina na gaya ng Belt and Road cooperation, Global Development Initiative, Global Security Initiative, at Global Civilization Initiative.

 

Patuloy at matatag na igigiit ng Palestina ang patakarang isang Tsina, aniya pa.

 

Bukod dito, hinangaan aniya ng Palestina ang makatarungang paninindigan ng Tsina sa isyu ng sagupaan sa Gaza Strip.


Salin: Ernest

Pulido: Ramil