Movie poster ng K’na the Dreamweaver
Sa mensaheng ipinadala, Nobyembre 17, 2023, ni Jaime A. FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, sinabi niya na ikinagagalak niyang makasama ang lahat para sa espesyal na pagpapalabas ng pelikula ni Ida Anita Del Mundo, ang “K’na, the Dreamweaver” bilang bahagi ng Diversity and Film Festival ngayong taon.
Aniya, nakikibahagi ang pasuguan sa inisyatibang ito upang ipagdiwang ang mayaman at makulay na kultura ng mga katutubo, kaya sinisimulan ang taunang Kampanya upang Tapusin ang Karahasan laban sa Kababaihan at Mga Bata, na isang mahalagang isyu para sa lahat.
Aniya pa, ang pelikulang K’na the Dreamweaver ay isang makapangyarihang patotoo sa lakas ng espiritu ng tao at sa kahalagahan ng pangangalaga sa kultural na pamana.
“Dadalhin tayo ng pelikulang ito sa mundo ng mga T’boli, isang grupong etniko na naninirahan sa paligid ng magandang Lake Sebu sa Mindanao. Papahintulutan tayo na masulyapan ang kanilang mga tradisyon, mga halaga, at natatanging kagandahan ng kanilang paraan ng pamumuhay,” dagdag pa ni FlorCruz.
Mga manonood ng film festival sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing
Ang kuwento ni K'na, pangunahin karakter, ay isang babaeng nahaharap sa hindi maisip na mahihirap na desisyon ng pagpili sa pagitan ng tungkulin at pag-ibig. Higit pa rito, ipinapakita nito ang katatagan at determinasyon ng mga katutubong kababaihan sa buong mundo.
Mga estudyante ng Communication University of China (CUC)
Ilan sa mga estudyanteng Tsino mula sa Communication University of China (CUC) ang nagbigay ng kanilang pananaw hinggil sa naturang pelikula.
Mga refreshment pagkatapos ng palabras
Ayon kay Li Yanlin, kumukuha ng translation sa CUC, ang pangunahing karakter ay napakatapang na babae na naglaan ng sarili upang iligtas ang buong nayon. Ani Li, ang pelikulang ito ay nagbibigay sa kanya ng pakiramdam ng pagmamahal, dahil si Silaw ay mahal na mahal si K’na hanggang siya ay mamatay, kaya ito ay nakakaantig.
Aniya, napakaraming tao na tulad ng prinsesa sa kasaysayan, gaya ni K’na, na itinalaga ang sarili upang iligtas ang bansa at alisin ang digmaan sa pagitan ng mga bansa.
Ayon naman kay Zhu Shiqi, kumukuha ng translation sa CUC, lubos siyang humahanga kay K’na dahil, ginusto niyang tumakas kasama ng kanyang manliligaw ngunit pinili niyang ipakita ang kanyang responsibilidad, at kinuha niya ang mga obligasyon para lamang mailigtas ang buong baryo, para lamang magkaroon sila ng kapayapaan sa buhay.
Aniya, sa sinaunang Tsina, maraming prinsesa sa royal family din ang pinipiling magpakasal sa dayuhang prinsipe para lang mapanatili ang kapayapaan.
Isa sa mga itinampok sa pelikula ang mayamang kultura at tradisyonal na proseso ng paghahabi ng tela ng mga katutubong T’boli, kung saan ipinapakita dito ang kagandahan at kahalagahan ng kanilang paraan ng pamumuhay.
Kaugnay nito, ipinalalagay ni Li na dapat pagsamahin ang tradisyonal na pamamaraan kasama ng teknolohiya.
Ipinalalagay rin niyang dapat isulong ang publisidad ng intangible cultural heritage dahil mas maraming tao ang makakaalam, mamahalin pa ng lubos ang halaga nito, lalo pang makilala ang kultura ng paghahabi at marami pang kultural na pamana ang maisasalba.
Ayon naman kay Zhu, sa panahon ngayon, ang teknolohiya at industriya ay parte na ng buhay ng mga tao, at sa tulong ng mga makabagong teknolohiya, lalo pang magiging mahusay at produktibo ang pamumuhay ng mga tao.
Sinabi rin niyang maaari din gumawa ng ilang mga makinang panghahabi, gamit ang makabagong teknolohiya para ang mga handicraftsmen ay makatanggap ng mas maraming kita at lalo pa silang maging produktibo.
Ulat/Larawan: Ramil Santos
Patnugot sa teksto: Jade
Patnugot sa website: Sarah