Malusog na pag-unlad ng relasyong Sino-Hapones, dapat isulong — Wang Yi

2023-11-26 11:22:17  CMG
Share with:

Busan, Timog Korea — Sa kanyang pakikipagkita, Nobyembre 25, 2023 (lokal na oras) kay Ministrong Panlabas Yoko Kamikawa ng Hapon, sinabi ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na sa pagtatagpo nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Fumio Kishida ng Hapon sa San Francisco, inulit nila ang kagustuhang ipatupad ang iba’t-ibang prinsipyong napapaloob sa 4 na dokumentong pulitikal ng dalawang bansa, at magsisikap para sa konstruktibo at matatag na relasyong Sino-Hapones na angkop sa kahilingan ng makabagong panahon.


Ani Wang, nais mabuting isakatuparan ng dalawang lider ang mga napagkasunduan upang mailagay ang relasyon ng kapuwa bansa sa tamang landas.


Upang maitatag ang estratehikong relasyong may mutuwal na kapakinabangan ng Tsina at Hapon, iminungkahi ni Wang ang 3 dapat gawin: una, dapat magkaroon ng tumpak na pagkakaunawa sa isa’t-isa; ikalawa, dapat igalang ang makatuwirang pagkabahala ng isa’t-isa; at ikatlo, dapat palakasin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan.

Sinabi naman ni Kamikawa na handang pabutihin ng panig Hapones ang pagkokoordinahan at palakasin ang diyalogo upang walang patid na maparami ang mga positibong elemento at mapasulong ang pag-unlad ng relasyong Hapones-Sino tungo sa direksyong inilatag ng mga lider ng kapuwa bansa.


Hindi nagbabago ang posisyon ng panig Hapones sa isyu ng Taiwan, dagdag niya pa.


Samantala, sa pamamagitan ng konstruktibong atityud at diyalogo, nakahanda aniyang hagilapin ng pamahalaang Hapones ang angkop na paraan upang malutas ang usapin ng pagtatapon ng nuklear na kontaminadong tubig sa dagat.


Nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang panig tungkol sa situwasyon ng Korean Peninsula at iba pang isyu.


Salin: Lito

Pulido: Rhio