Ika-10 pulong ng mga ministrong panlabas ng Tsina, Hapon at Timog Korea, idinaos

2023-11-27 15:29:24  CMG
Share with:

 

Nobyembre 26, 2023, Busan ng Timog Korea – Sa pagdaraos ng Ika-10 Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Tsina, Hapon at Timog Korea, ipinahayag ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na ang kooperasyon ng Tsina, Hapon at Timog Korea ay may matibay na pundasyon, malakas na nakatagong lakas at malawak na prospek.

 

Kasama ng Timog Korea at Hapon, patuloy aniyang magsisikap ang Tsina para isulong ang pagbalik ng kooperasyon sa tamang landas at panatilihin ang matatag, malusog at sustenableng pag-unlad ng kooperasyon,

 

Tinukoy rin niyang ang sentro ng kooperasyon ng tatlong bansa ay tamang pakikitungo sa kasaysayan, paggalang sa landas ng pag-unlad at nukleong interes ng isa’t-isa, maayos na paghawak sa mga sensatibong isyu, at pangangalaga sa bilateral na relasyon.

 

Positibo naman sina Ministrong Panlabas Yoko Kamikawa ng Hapon at Ministrong Panlabas Park Jin ng Timog Korea sa kooperasyon ng tatlong bansa.

Maaari anilang isagawa ng tatlong panig ang substansyal na kooperasyon sa mga larangang gaya ng kabuhayan, kalakalan, agham, teknolohiya, pagpapalitang tao-sa-tao, pangangalaga sa kapaligiran at pag-asikaso sa matatanda.

 

Malaki ang papel na puwedeng gampanan ng tatlong bansa sa kapayapaan at kasaganaan ng Silangang Asya at daigdig, anila pa.

 

Samantala, nagkasundo ang tatlong opisyal sa paglikha ng optimal na kondisyon para sa pulong ng mga lider ng tatlong bansa at pabilisin ang mga paghahanda para rito.

 

Nagpalitan din sila ng palagay hinggil sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig.

 

Hinggil dito, sinabi ni Wang na dapat igiit ang paglutas sa mga hidwaan at pagkakaiba sa pamamagitan ng mapayapang paraan.

 

Ang maigting na kalagayan sa Korean Peninsula ay hindi angkop sa kapakanan ng anumang panig at ang kasalukuyang pangunahing gawain ay pagpapahupa ng tensyon at paggawa ng aktuwal na aksyon para mapanumbalik ang diyalogo.

 

Bukod dito, magkahiwalay na nakipagtagpo si Wang kina Park at Kamikawa.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio