Inilabas ngayong araw, Nobyembre 30, 2023 ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA) ang dokumento ng paninindigang Tsino sa paglutas sa sagupaan ng Palestina at Israel.
Ayon dito, ang paninindigang Tsino ay nakabatay sa paliwanag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at kabilang dito ay ang agarang pagkakaroon ng pangmatagalang tigil-putukan, paggarantiya sa ligtas at walang-sagabal na tsanel ng makataong tulong at pagpigil sa paglala ng sagupaan.
Anito pa, sinabi ni Xi, na ang pundamental na paraan ng paglutas sa sagupaan ng Palestina at Israel ay pagsasakatuparan ng “two state solution,” at pagtitipun-tipon ng komong palagay ng komunidad ng daigdig upang mapasulong ang kapayapaan, at mahanap ang komprehensibo, makatarungan at sustenableng kalutasan sa nasabing isyu.
Dagdag pa ng dokumento, batay sa Karta ng United Nations (UN), isinasabalikat ng UN Security Council (UNSC) ang pangunahing responsibilidad sa pangangalaga sa kapayapaan at seguridad ng daigdig at dapat patingkarin ng UNSC ang positibo at konstruktibong papel sa isyu ng Palestina at Israel.
Dahil dito, iniharap ng panig Tsino ang mga mungkahing kinabibilangan ng agarang pagtitigil ng sagupaan, pagsusulong ng aktuwal na pangangalaga sa mga sibilyan, paggarantiya sa pagbibigay ng makataong tulong, pagpapalakas ng diplomatikong medyasyon at paghahanap ng pulitikal na kalutasan.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio