Premyer Tsino at Pangalawang Punong Ministro ng Singapore, nagtagpo: estratehiya ng pag-unlad, at malayang kalakalan, isusulong

2023-12-07 11:27:29  CMG
Share with:

 

Sa pagtatagpo, Disyembre 6, 2023 sa Beijing nina Premyer Li Qiang ng Tsina at Lawrence Wong, Pangalawang Punong Ministro at Ministro ng Pinansya ng Singapore, tinukoy ng panig Tsino, na nais panatilihin ng Tsina ang mataas na lebel na pakikipag-ugnayan sa Singapore, palalimin ang pag-uugnay ng estratehiya ng pag-unlad ng dalawang panig, at ibayo pang pataasin ang kasunduan ng malayang kalakalan.

 

Ito aniya ay para matamo ang mas maraming bunga sa mga larangang gaya ng didyital na ekonomiya, berdeng pag-unlad, serbisyong pinansiyal at paggamit ng yamang pandagat.

 

Kasama ng mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), nakahandang palakasin ng Tsina ang pagkakaisa’t pagtutulungan para pabilisin ang talastasan hinggil sa Bersyon 3.0 ng Malayang Sonang Pangkalakalan ng Tsina at ASEAN at pasulungin ang integrasyong pangkabuhayan ng buong rehiyon, dagdag ni Li.

 

Ipinahayag naman ni Wong na mahalaga sa Singapore ang relasyon sa Tsina, kaya naman, kasama ng Tsina, hangad aniya ng Singapore na pabutihin ang pagpapalagayan sa mataas na antas, at pasulungin ang aktuwal na kooperasyon sa mga larangang kinabibilangan ng kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, didyital na ekonomiya, at berdeng pag-unlad upang makapagbigay ng positibong ambag sa pangangalaga ng katatagan, kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio