Magkasamang pinanguluhan kahapon, Disyembre 7, 2023 sa Beijing nina Premyer Li Qiang ng Tsina, Charles Michel, Presidente ng European Council at Ursula von der Leyen, Presidente ng European Commission, ang ika-24 na China-European Union (EU) Summit.
Ipinahayag ni Li na dapat igiit ng Tsina at EU ang diyalogo, kooperasyon at kapayapaan at tutulan ang komprontasyon, decoupling, at sagupaan.
Ani Li, tinututulan ng panig Tsino ang pagsasapulitika at pagsasaseguridad ng mga isyu ng kabuhayan at kalakalan.
Umaasa aniya siyang mapapanatili ng EU ang pagbubukas ng kalakalan at pamilihan ng pamumuhunan.
Ipinahayag naman nina Michel at von der Leyen na nakahanda ang EU na maging kapani-paniwala at maaasahang partner ng Tsina at umaasang mapapalalim ang pagtitiwalaan at kooperasyon sa panig Tsino para magkasamang harapin ang mga pandaigdigang hamon na gaya ng pagbabago ng klima.
Kapwa sinang-ayunan ng dalawang panig na patuloy na itaguyod ang mekanismo ng diyalogo sa iba’t ibang larangan, igiit ang pagbubukas sa isa’t isa, tutulan ang decoupling, likhain ang pantay na kapaligiran para sa kanilang mga bahay-kalakal, palalimin ang kooperasyon sa kabuhayan, kalakalan, green development, at intellectual property rights at itatag ang matatag na partnership ng supply chain.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil