Sa kanyang panawagan, Disyembre 8, 2023 sa Ika-78 Pangkalahatang Asembleya ng United Nations (UN), sinabi ni Dai Bing, Pirmihang Pangalawang Kinatawang Tsino sa UN, na kailangang palakasin ng komunidad ng daigdig ang pagkakaisa at pagtutulungan upang matulungang makahulagpos sa kahirapan at hamon ang mga bansang sumasailalim sa makataong krisis.
Aniya, malaking kasuwalti sa mga mamamayang Palestinian ang ibinunsod ng bakbakan sa pagitan ng Palestina at Israel, partikular sa mga kababaihan at kabataan sa Gaza Strip.
Nawasak din aniya ang lipunan at kabuhayan, grabeng nasira ang mga imprastruktura, at nasadlak sa mapanganib na kalagayan ang mahigit 2 milyong sibilyan.
Dapat aniyang pasulungin ng komunidad ng daigdig ang komprehensibo’t pangmatagalang tigil-putukan, isagawa ang mas pragmatiko’t malakas na aksyon sa pangangalaga sa mga sibilyan, partikular sa kaligtasan ng mga kababaihan at kabataan, at panumbalikin ang pagpasok ng makataong tulong sa lalong madaling panahon.
Samantala, pinahahalagahan at aktibo aniyang nakikilahok ang Tsina sa mga makataong usapin sa daigdig, at sinusuportahan ang UN sa pagpapatingkad ng organisado at koordinadong papel sa makataong pagsaklolo.
Kasama ng komunidad ng daigdig at sa abot ng makakaya, magsisikap ang panig Tsino upang patuloy na ipagkaloob ang suporta at tulong sa mga bansang may pangangailangan, dagdag pa niya.
Salin: Lito
Pulido: Rhio