Beijing — Sa kanyang keynote speech Disyembre 9, 2023 sa 2023 World Chinese Language Conference, ipinahayag ni Ding Xuexiang, Pirmihang Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Pangalawang Premyer ng bansa, na ang wika ay kagamitan sa pagpapalitan at tulay ng pagpapasulong ng pagpapalitan at diyalogo ng sangkatauhan.
Ani Ding, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na ang pag-aaral ng wika ng isa’t-isa at pag-aaral sa kasaysayan at kultura ng ibang bansa, ay makakatulong sa pag-uunawaan at pagkakaibigan ng mga mamamayan, at makakapagbigay ng ambag sa pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng sangkatauhan.
Kaugnay nito, patuloy aniyang isusulong ng Tsina ang mataas na lebel na pagbubukas ng edukasyon sa labas; susuportahan ang pag-aaral ng dayuhang wika ng mga mamamayan, partikular ng mga kabataan; at isasagawa ng pagdaigdigang pagpapalitan; puspusang susuportahan ang pagpapalaganap ng wikang Tsino sa daigdig; at ipagkakaloob ang malakas na suporta’t garantiya sa pagpunta at pagseserbisyo ng mga guro ng wikang Tsino sa daigdig.
Dumalo sa 2023 World Chinese Language Conference ang halos 2 libong personaheng kinabibilangan ng mga kaukulang ekspertong Tsino’t dayuhan, opisyal ng pamahalaan, kinatawan ng mga organisasyong pandaigdig, at namamahalang tauhan ng pandaigdigang organo ng wika at kultura.
Salin: Lito
Pulido: Rhio