Sa paanyaya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, isinagawa, Enero 1 hanggang 5, 2023, ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang dalaw-pang-estado sa Tsina.
Si Marcos Jr. ay ang unang dayuhang pangulong tinganggap ng Tsina sa taong 2023.
Ito rin ang unang pagdalaw ni Marcos Jr. sa Tsina bilang pangulo, at kanyang unang opisyal na pagdalaw sa isang bansang di-miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ipinakikita ng nasabing pagbisita ang pagpapahalaga ng dalawang bansa sa kanilang bilateral na relasyon.
Sa pananatili ni Marcos Jr. sa Tsina, napirmahan ang Memorandum of Understanding (MoU) tungkol sa konstruksyon ng “Belt and Road.”
Ipinangako rito ng dalawang panig na palalalimin ang kooperasyon sa 4 na pangunahing larangang kinabibilangan ng agrikultura, kultura, enerhiya, at imprastruktura.
Isang magkasanib na pahayag ang inihayag din ng dalawang bansa.
Pagpasok ng durian ng Pilipinas sa merkadong Tsino, isang tampok ng kooperasyon sa agrikultura
Bilang isa sa mga bunga ng biyahe ni Marcos Jr. sa Tsina, nakuha ng durian ng Pilipinas ang permisyon sa pagpasok sa merkadong Tsino.
Ang Pilipinas ang ika-3 bansang nakakuha ng pahintulot sa pagluluwas ng durian sa Tsina, kasunod ng Thailand at Biyetnam.
Sa kapipinid na Ika-6 China International Import Expo (CIIE), pumalo sa $US1.1 biylong dolyares ang pangkalahatang benta ng delegasyong Pilipino.
Ito ay mas malaki ng 67% kumpara sa ika-5 CIIE.
Kabilang dito, naging pinakapopular na produkto ng Pilipinas ang durian, saging, kape, at pinya.
Dahil sa pagpupuno ng pangangailangan ng merkadong Tsino sa mga primera klase at masasarap na prutas, mabisang napapalakas ang hanap-buhay at napapataas ang kita ng mga magsasakang Pilipino.
At upang maitupad ang mahalagang napagkasunduan ng mga lider ng dalawang bansa, idinaos ng Embahadang Tsino sa Pilipinas, Hunyo 16, 2023 sa Manila ang seremonya ng paghahandog ng abono sa mga magsasakang Pilipino.
Sa kanyang talumpati, ipinaabot ni Pangulong Marcos Jr. ang lubos na pasasalamat sa tulong ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino.
Aniya, ang mga abono ay makakatulong sa produksyong agrikultural at kaligtasan ng pagkaing-butil ng bansa.
Masiglang pagpapalitang tao-sa-tao ng Tsina at Pilipinas, “tulay ng puso” ng mga mamamayan
Sa pag-uusap nina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Marcos Jr., binalik-tanaw nila ang proseso ng pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino.
Anila, may mataas na lebel na kooperasyon, at malalim ang ugnayang pangkabuhayan at pangkultura ng dalawang bansa.
Kaugnay nito, masiglang sumusulong ngayong taon ang pagpapalitang tao-sa-tao at pangkulutra ng Tsina at Pilipinas.
Sa kanyang pagdalo sa seremonya ng paggagawad ng Ika-3 China-Philippines Friendship Award, Hunyo 8, 2023 sa Manila, ipinahayag ni Pangulong Marcos Jr. na may komong kapakanan at hangarin ang Pilipinas at Tsina.
Hangga’t makakaya, magpupursige aniya ang dalawang bansa upang mapalakas at mapabuti ang bilateral na relasyon.
Aniya pa, normal lamang ang paglitaw ng pagkakaiba sa pagitan ng magkakaibigan; ang mas mahalaga ay pagpawi sa kahirapan at pagpapatibay sa mapagkaibigang relasyon sa pamamagitan ng mabuting pagsasanggunian.
Noong Setyembre 14, 2023, inilunsad ng pambansang aklatan ng Pilipinas ang “Chinese bookshelf.”
Layon nitong ipagkaloob sa mga Pilipino ang mas maraming tsanel upang mas maintindihan ang kulturang Tsino, at mapasulong ang pagpapalitang pangkultura ng dalawang bansa.
Samantala, magkakasunod ding idinaos ngayong taon ang mga aktibidad na gaya ng Ika-8 Manila Forum for Philippines-China Relations, na naglalayong palakasin ang pragmatikong kooperasyong pandagat; “Philippines-China Culture Festival,” na naglalayong palalimin ang pag-uunawaan, palakasin ang pagkakaibigan, at pasulungin ang kooperasyon; Pestibal ng Pelikula, na naglalayong isakatuparan ang Global Civilization Initiative at pasulungin ang pagpapalitang Pilipino-Sino, at iba pa.
Ang mga ito ay naglatag ng tulay ng pag-uunawaan sa pagitan ng mga Pilipin at Tsino.
Kooperasyon sa luntiang enerhiya tungo sa landas ng berdeng pag-unlad, isinusulong
Sa maraming mahalagang okasyong pandaigdig, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na puspusang susuportahan ng Tsina ang pag-unlad ng mga umuunlad na bansa sa berde at mababang-karbong enerhiya.
Sa magkasanib na pahayag ng Tsina at Pilipinas, nakahayag na magkakaroon ng kooperasyon sa mga larangang gaya ng solar energy, wind energy, electric vehicle, at enerhiyang nuklear.
Kasunod ng pag-unlad ng lipunan at kabuhayan ng Pilipinas, aktibong nakikilahok ang mga kompanyang Tsino sa konstruksyon ng bagong enerhiya.
Kaugnay nito, isinasagawa ng Tsina at Pilipinas ngayong taon ang serye ng mga proyektong pangkooperasyon sa malinis na enerhiya, bagay na nagkakaloob ng malinis na enerhiya sa mga Pilipino.
Sa pagtataguyod ng China Energy Construction International Group, idinaos sa Manila, Hunyo 1, 2023 ang “Energy China Offshore Wind Forum 2023” sa ilalim ng temang “Luntian at Mababang-karbong Kooperasyon Tungo sa Panalu-nalong Resulta.”
Sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual, na patuloy ang paglaki ng pangangailangan ng Pilipinas sa berdeng enerhiya.
Kaugnay nito, mainit aniyang tinatanggap ng Pilipinas ang pamumuhunan ng mga kompanyang Tsino sa larangan ng renewable energy.
Umaasa naman ang mga kalahok na opisyal-Pilipino, na maisasagawa ang kooperasyon sa mga kaukulang larangan upang mapasulong ang berdeng pag-unlad.
Maliban diyan, matagumpay ding idinaos sa Manila, Setyembre 26, 2023 ang Porum ng Bagong Enerhiya ng Pilipinas sa Taong 2023.
Tungkol naman sa mga kahirapan at hamong kinakaharap ng Pilipinas sa pagtatayo ng mga proyekto ng renewable na enerhiya, pinag-usapan ng mga kinatawang Tsino at Pilipino kung paano maililipat ang proseso ng pagpoprodyus ng enerhiya at koryente ng bansa tungo sa berde at mababang-karbong landas.
Bukod pa riyan, nilagdaan ng China Energy Construction International Group at Philippines ISOC Energy Company ang 1GW floating photovoltaic project sa Law ng Laguna noong Oktubre.
Ito ang magiging unang malawakang proyekto ng floating photovoltaic sa Pilipinas na magpagpataas sa proporsyon ng renewable na enerhiya at magpapasulong sa sustenableng pag-unlad ng lipunan at kabuhayan sa lokalidad.
Ang Pilipinas ay may napakalaking potensyal sa renewable na enerhiya, at napakarami ang maaaring gawin ng Tsina at Pilipinas sa larangan ng berdeng enerhiya sa hinaharap.
Kooperasyon sa imprastruktura na magbebenepisyo sa mga mamamayan, isinusulong
Sa nasabing magkasanib na pahayag, ipinahiwatig ng Tsina at Pilipinas ang pagpapahalaga sa imprastruktura.
Nakasaad din dito ang magkasamang pagpapabuti ng ugnayan ng “Belt and Road” Initiative at “Build Better Build More” upang mapasulong ang kooperasyon sa imprastruktura at mapalago ang kabuhayan.
Binondo-Intramuros Bridge
Binuksan sa publiko noong Enero 20, 2023 ang Binondo-Intramuros Bridge linear park and pedestrian stairs.
Sa seremonya ng pagbubukas, pinasalamatan ni Manuel M. Bonoan, Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang suporta ng Tsina sa imprastruktura ng bansa sa mahabang panahon.
Umaasa aniya siyang mas makikinabang ang mga Pilipino sa pagtatayo ng mas maraming proyekto ng imprastruktura.
Nagsimula noong Oktubre 2022, at tinatayang matatapos sa 2027, patuloy sa kasalukuyan ang konstruksyon ng Davao–Samal Bridge, isa pang proyektong pangkooperasyon ng dalawang bansa.
Ang pagtatayo ng nasabing tulay ay magkakaloob ng 1 libong trabaho sa mga lokal na trabahante, at inaasahang magpapasigla sa kabuhayan sa katimugan ng Pilipinas.
Sa sandaling ito’y makumpleto, paiikliin ng tulay ang oras ng biyahe sa pagitan ng Davao city at Samal island, at magpapasigla sa kabuhayan at turismo ng dalawang lugar.
Bukod pa riyan, nilagdaan kamakailan ng China Road & Bridge Corporation (CRBC) ang proyekto ng Davao River Bridge (Bucana Bridge) sa Davao city.
Ito ang magpapahupa sa mabigat na trapiko sa pagitan ng timog at hilaga ng Davao city.
Ayon sa kasabihan, "Matibay ang walis, palibhasa'y magkabigkis." Ayon naman sa kasabihang Tsino, "Kapag ang magkakapatid ay nagtutulungan, ang kanilang talas ay puputol ng bakal."
Ang mga ito ay nangangahulugang kung magkakaisa at magtutulungan, tiyak na mapagtatagumpayan ang anumang kahirapan.
Sa kabila ng pagkakaiba ng Tsina at Pilipinas sa isyu ng South China Sea, nananatili pa ring pangunahing tunguhin ng relasyong Sino-Pilipino ang mapagkaibigang kooperasyon, at nananatili pa ring komong inaasahan ng mga mamamayan ng kapuwa bansa ang pagkakaroon ng magandang buhay.
Sa pamamagitan ng pananalig sa pagkakaisa at pagtutulungang, tiyak na makakahulagpos ang kapuwa bansa sa kasalukuyang kahirapan at kapit-bisig na makakalikha ng bagong “ginintuang panahon” tungo sa paghahatid ng mas maraming aktuwal na benepisyo sa mga Tsino at Pilipino.
May-akda / Salin: Lito
Pulido: Rhio