Bago bumisita si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Biyetnam, idinaos Disyembre 11, 2023, sa Hanoi ang Seremonya ng Pagsisimula ng Bagong Uri ng Kooperasyon ng mga Media ng Tsina at Biyetnam.
Opisyal na sinimulan sa seremonya ang pagsasahimpapawid ng programang pinamagatang “Pag-uugnay ng Tsina at Biyetnam” na magkasanib na iniprodyus ng China Media Group (CMG) at Vietnam Digital Television ng Voice of Vietnam (VOV).
Ito ang kauna-unahang pagkakataong ipinalabas ng pambansang telebisyon ng Biyetnam ang pambalitang programang iniprodyus kasama ang isang dayuhang media.
Sa kanyang video speech, ipinahayag ni Shen Haixiong, Presidente ng CMG, na sa mula’t mula pa’y, malawak na nagtutulungan ang CMG at media ng Biyetnam sa pagbabahagi ng impormasyon, magkasanib na pagpoprodyus, pagpapalitan ng mga tauhan at teknolohiya, at iba pa.
Si Shen Haixiong, Presidente ng CMG
Aniya, ang taong ito ay ika-10 anibersaryo ng paglalahad ng magkakasamang pagtatatag ng “Belt and Road Initiative (BRI),” kaya naman, walang humpay na pinapalawak ng Tsina at Biyetnam ang kooperasyon.
Kasama ng media ng Biyetnam, patuloy na magsisikap ang CMG para pasulungin ang pagpapalitan ng dalawang bansa, at isulong ang aktuwal, malalim at mabungang kooperasyon ng dalawang panig sa iba’t-ibang larangan, saad ni Shen.
Ipinahayag naman ni Presidente Tien Sy Do ng VOV, na mabuting simula ang pagsasahimpapawid ng “Pag-uugnay ng Tsina at Biyetnam” bago ang pagbisita ni Pangulong Xi sa bansa.
Si Presidente Tien Sy Do ng Voice of Vietnam (VOV)
Umaasa aniya ang mga mamamayan ng kapuwa panig, na matatamo ng nasabing pagdalaw ang positibong bungang pangkooperasyon sa iba’t-ibang larangan na angkop sa komong kapakanan ng kapuwang dalawang bansa.
Aniya, ipinakikita ng naturang programa ang malakas na kooperasyon ng Biyetnam at Tsina sa kabuhayan, kultura, edukasyon, turismo at iba pa.
Pinapalalim nito ang katuturan ng pagdalaw ni Pangulong Xi sa Biyetnam, saad pa niya.
Kasama rin sa nasabing unang pagsasahimpapawid sina Minh Hien Ngo, Pangalawang Presidente ng VOV; Duc Thanh Tran, Direktor-heneral ng Vietnam Digital Television; at An Xiaoyu, Direktor-heneral ng Asian and African Languages Programming Center ng CMG.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio