Espesyal na sugo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, dumalo sa inagurasyon ng bagong Pangulo ng Argentina

2023-12-12 16:26:29  CMG
Share with:

Sa paanyaya ng pamahalaan ng Argentina, Disyembre 10, 2023, dumalo si Wu Weihua, Espesyal na Sugo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangalawang Tagapangulo ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC), sa inagurasyon ni Pangulong Javier Milei ng Argentina, sa Buenos Aires, kapital ng Argentina.

 

Pagkatapos, nakipagtagpo Disyembre 11, 2023, sa Palasyong Pampanguluhan ng Argentina si Pangulong Milei kay Wu Weihua.

 

Sa kanilang pagtatagpo, sinabi ni Wu na nitong mahigit 50 taong nakalipas sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Argentina, napapanatili ng relasyong Sino-Argentiano ang magandang momentum ng pag-unlad at ang resulta ng kooperasyon ay nakakapagbigay ng pakinabang sa mga mamamayan ng dalawang bansa.

 

Aniya, lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang pag-unlad ng relasyong Sino-Argentiano, at nakahanda ang Tsina na igiit, kasama ng bagong pamahalaan ng Argentina, ang paggalang sa isa’t isa, pantay, at may mutuwal na kapakinabangan, para pasulungin ang pangmalayuan at malalim na pag-unlad ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang panig.

 

Samantala, pinasalamatan ni Milei si Pangulong Xi sa pagpapadala ng espesyal na sugo para lumahok sa inagurasyon, at ipinaabot ang kanyang pangungumusta kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina.

 

Ipinahayag ni Milei na lubos na pinahahalagahan ng bagong pamahalaan ng Argentina ang relasyong Argentiano-Sino at patuloy at matatag na mananangan sa prinsipyong isang-Tsina.

 

Malakas ang komplementaridad ng ekonomiya ng kabuhayan ng dalawang bansa, at nakahanda ang Argentina na lalo pang pasulungin ang malalim na pag-unlad ng pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa sa kabuhayan at kalakalan, at pagpapalitang tao-sa-tao.

 

Salin:Sarah

Pulido:Ramil