Inilabas, Disyembre 19, 2023 ng punong himpilan ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) sa Paris, ang dokumentaryo na magkasamang ini-prodyus ng China Media Group (CMG) at mga counterpart na Pranses.
Pinamagatang “Peking Man, The Last Secret of Humankind,” inilalarawan ng dokumentaryo ang kuwento ng Asian Homo Erectus o Peking Man, at ipinakikita ang kasaysayan ng ebolusyon ng sinaunang tao sa Silangang Asya.
Sa seremonya ng paglulunsad, sinabi ni Shen Haixiong, Presidente ng CMG, na ang bawat progreso ng sangkatauhan ay bunga ng pagbabahagi, pagpapalitan, at pag-aaral ng impormasyon at kaalaman sa pagitan ng mga tao.
Ani Shen, palagi at masikap na pinalalaganap ng CMG ang mahuhusay na kathang kultural ng Tsina at buong daigdig.
Dumalo sa aktibidad ang mahigit 700 panauhin mula sa Tsina at Pransya.
Ang dokumentaryo ay isasahimpapawid sa documentary channel ng CMG at France National Television 2 sa 2024.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio