Sa pag-uusap sa telepono, Disyembre 20, 2023 nina Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, at Enrique A. Manalo, Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, sinabi ng panig Tsino, na kasalukuyang kinakaharap ng relasyong Sino-Pilipino ang malubhang hamon.
Dahil aniya ito sa pagbabago ng patakaran at paninindigan ng Pilipinas, pagtalikod sa pangako, pagsasagawa ng probokasyon sa dagat, at pagsira sa lehitimong kapakanan at karapatan ng Tsina.
Hinimok ni Wang ang panig Pilipino na bumalik sa tamang landas.
Aniya pa, palagi at masikap na pinapasulong ng Tsina ang diyalogo at pagsasanggunian para malutas ang mga hidwaan, at pinangangalagaan ang katatagang pandagat.
Kung patuloy aniyang isasagawa ng Pilipinas ang maling pakataran at probokasyon sa dagat, siguradong gagamitin ng panig Tsino ang katugong hakbangin batay sa batas para pangalagaan ang sariling lehitimong karapatan.
Inilahad naman ni Manalo ang paninindigan ng Pilipinas sa isyu ng Ren’ai Jiao.
Umaasa aniya ang Pilipinas na maaayos na mapangangasiwaan at makokontrol ang mga hidwaan sa paraang katanggap-tanggap sa dalawang panig, mapapahupa ang tensyonadong kalagayan, at mapipigilan ang sagupaan.
Kasama ng panig Tsino, nakahanda aniya ang Pilipinas na pabutihin ang diyalogo, isulong ang papel ng mekanismo ng pag-uugnayan hinggil sa isyung pandagat, at magkasamang hanapin ang kalutasan sa isyu.
Sumang-ayon din ang dalawang panig na idaos, sa lalong madaling panahon, ang pulong sa mekanismo ng bilateral na pagsasanggunian hinggil sa isyu ng South China Sea, at likhain ang positibong kondisyon para rito.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio