Pulong Ministeryal ng ACF, idinaos: pagpapalakas ng pagtutulungang pangkultura, isusulong

2023-12-24 11:30:44  CMG
Share with:

Teheran, Iran — Malalimang tinalakay kamakailan ng mga kalahok sa Ika-7 Pulong Ministeryal ng Ancient Civilizations Forum (ACF) ang pagpapalakas ng pagpapalitan at pagtutulungang pangkultura, pangangalaga sa pamanang kultural, at pagpabalik ng mga ninakaw na relikya.


Sa kanyang talumpati, sinabi ni Ministrong Panlabas Hossein Amir-Abdollahian ng Iran, na ang pagsasagawa ng kooperasyon sa larangang pangkultura ay makakapagpalakas ng soft power ng mga kasaping bansa ng ACF, at ang pagtutulungan ng iba’t-ibang sibilisasyon ay makakatulong din sa paglutas ng mga komong problemang kinakaharap ng sangkatauhan.


Sa pamamagitan ng ACF, nagsisikap ang iba’t-ibang panig upang maging mas mapayapa ang daigdig at matamo ang mas malaking progresong pangkultura, saad niya.


Sa kanya namang hiwalay na talumpati, ipinahayag ni Li Qun, Pangalawang Ministro ng Kultura at Turismo ng Tsina, na mayamang kooperasyon ang isinasagawa ng Tsina at mga kasaping bansa ng ACF sa mga larangang gaya ng kultura, turismo, at relikya.


Ang mga ito ay patuloy na nakakapagpasigla sa pag-unlad ng sibilisasyon, aniya pa.


Sinabi rin niyang pinahahalagahan ng Tsina ang multilateral na mekanismo sa pangangalaga sa pamanang kultural.


Kaya naman kasama ang 10 bansang kinabibilangan ng Iran, itinataguyod aniya ng Tsina ang pagbuo ng Asosyasyon ng Pangangalaga sa Pamanang Kultural sa Asya.


Matatandaang noong 2017, itinaguyod ng Tsina at Gresya ang ACF.


Sa pamamagitan ng diyalogo at pagpapalitan, layon nitong pasulungin ang pagkakaunawaan, at inklusyon ng iba’t-ibang sibilisasyon.


Sa ngayon, mayroon nang 10 kasaping bansa ang porum na kinabibilangan ng Tsina, Armenia, Bolivia, Ehipto, Gresya, Iran, Iraq, Italya, Mexico, at Peru.


Salin: Lito

Pulido: Rhio