Direktang lipad mula Beijing hanggang Caticlan, sisimulan sa Bagong Taong Tsino

2023-12-26 17:16:16  CMG
Share with:

 

Entablado ng paglulunsad ng direktang lipad mula Beijing hanggang Caticlan

 

Beijing, Tsina – Sa pagtataguyod ng kompanyang Tsinong “Shou Shan Wen Lü” at Royal Air, idinaos kamakailan sa Conrad Hotel, ang seremonya ng paglulunsad ng direktang lipad mula Beijing patungong Caticlan, Boracay.


Ayon kay Erwin F. Balane, Tourism Attaché ng Department of Tourism–Beijing Office (DoT–Beijing), ang rutang ito ay magsisimula sa pagpasok ng Pestibal ng Tagsibol o Bagong Taong Tsino.


Ang Pestibal ng Tagsibol ay ipagdiriwang sa Pebrero 10, 2024.


Aniya, “sa wakas ay masasabi na nating tapos na ang paghihintay."


Simula nang inalis ng Tsina ang mga limitasyon sa paglalakbay noong Enero 2023, marami aniyang natatanggap na tanong ang DoT-Beijing tungkol sa posibilidad ng muling pagbubukas ng direktang biyahe mula Beijing patungong Boracay.


Ang lagi naman aniyang sinasagot ng kanyang tanggapan ay “bigyan pa ninyo kami ng kaunting panahon dahil ang ating mga eroplano at mga operator ng charter ay kasalukuyang bumabangon pa mula sa epekto ng pandemiya. Gayundin, ang aming mga kasosyo sa Tsina ay kasalukuyang nagrerebisa ng mga kontrata sa kanilang mga kapartner sa Pilipinas upang makapag-alok ng bagong mga produktong panturismo.”

 

 

Erwin F. Balane habang nagtatalumpati


Pero, sa napipintong muling pagsisimula ng rutang Beijing–Caticlan, nasagot na ang mga katanungan, paliwanag ni Balane.


Kahit hindi pa aniya lubusang bumalik ang dami ng lipad sa lebel bago magpandemiya, muli nang sisimulan ng mga pangunahing kasosyo sa abiyasyon ng DoT–Beijing ang pagdaragdag ng mga linya mula sa iba't-ibang lugar ng Tsina tungo sa mga pangalawang internasyonal na pasukan sa Pilipinas gaya ng Boracay, Bohol, Cebu, Davao, at Clark.


Ani Balane, noong katapusan ng 2022, ika-10 ang Tsina sa pinakamalaking merkado ng turismo ng Pilipinas.


Ngunit hanggang noong Disyembre 12, 2023, sinabi niyang umangat sa ika-4 na puwesto ang bansa.


“Ang mga Tsinong bumisita sa Pilipinas hanggang sa nabanggit na petsa ay umabot sa  252,171,” sabi pa niya.

 

 

Limang pangunahing merkado ng turismo ng Pilipinas hanggang Disyembre 12, 2023

 

Magkagayunman, kumpara sa antas bago ang pandemiya, “marami pa tayong dapat habulin,” saad niya.


Matatandaang noong 2019, ang Tsina ay ang ika-2 pinakamalaking merkado ng turismo ng Pilipinas, na may 1.74 milyong bisita.


Bukod diyan, ang mga bisitang Tsino ay isa rin sa mga pinakamalakas gumasta, sa halagang US$161.63 dolyar kada araw.


“Sana'y maging isang magandang taon ang 2024, habang unti-unting nagbabalik ang operasyon ng mga flight patungo sa maraming destinasyon sa Pilipinas, tulad ng Beijing papuntang Boracay sa pamamagitan ng Royal Air,” saad niya.


Sinabi ni Balane, na ang isla ng Boracay ay isa sa pinakaka-akit-akit na destinasyon para sa merkadong Tsino.


Ito ay isa aniya sa mga pinakapopular na isla sa Pilipinas kasama ng Cebu, Bohol, at Palawan.


Kaya naman, hindi nakapagtatakang kinilala ito ng mga prestihiyosong patimpalak sa buong mundo bilang "Best Beach in the World" sa loob ng ilang taon.

Noong 2022, ang Boracay ay itinanghal bilang "Best Beach in the World" sa World Travel Awards 2022, paliwanag ni Balane.


Aniya pa, isa rin ito sa mga napili bilang "Top Island in Asia" ng Conde Nast Traveler (CNT) 2022 Readers' Choice Award.


Ngayong taon, muling napili ang Isla ng Boracay bilang ika-3 "Top Island in Asia" sa Conde Nast Traveler Reader's Choice Awards, dagdag niya.


“Inaanyayahan ko kayong bisitahin ang isla ng Boracay at tamasahin ang kanyang walang bahid na puting buhangin, malinaw na bughaw na karagatan, kahanga-hangang lugar sa pagsisid, at magagandang tanawin na tamang-tama sa pagkuha ng larawan,” imbitasyon pa niya.


Pero, ang pinaka-katangi-tangi aniyang atraksyon ng Boracay ay ang di-matatawarang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino na magbibigay sa pagbisita ninuman ng di-malilimutang ala-ala.

 

Mga parangal na tinanggap ng Boracay

 

Ang "LOVE THE PHILIPPINES" ay ang bagong kampanya ng Pilipinas, na nagpapakita ng pagmamahal sa bansa at pinalakas na nasyonalismo ng mga Pilipino.


Ang tatak na ito ay isa ring panawagang humahalina sa mga bisita na mahalin ang kultura, tradisyon, pamana, pagkain, wika, at mga destinasyon ng Pilipinas.


Ang logo nito ay sumisimbolo sa mga pandaigdigang-klaseng destinasyon na binubuo ng mga atraksyon sa ilalim ng dagat, mga pestibal, pagkain, mga isla, halaman at hayop sa kalikasan, at marami pang iba.

 

Logo ng kampanyang “Love the Philippines”

 

 

Ulat/Larawan: Rhio Zablan

Patnugot: Jade,Lito

Patnugot sa website: Sarah