Buwan ng Disyembre, kapaskuhan para sa mga Pilipino

2023-12-26 16:15:59  CMG
Share with:


Pag-organisa ng Simbang Gabi sa Embahada ng Pilipinas sa Beiijng, sa pamumuno ni Father Rey Emmanuel

 

Sa mga nakalipas na taon, tuwing sasapit ang buwan ng Disyembre, ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang Pasko kapag nagsimula na ang Simbang Gabi. Pero sa paglipas ng pahanon, Setyembre pa lang, ramdam na ang Pasko. 

 

Isang tradisyonal na kaugaliang Pilipino ang pagdiriwang ng Pasko kaya, inorganisa Sabado, Disyembre 16, 2023 ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing ang Simbang Gabi sa Embahada para sa mga kababayan na pinamunuan ni Fr. Rey Emmanuel.

 

Puto bumbong ni Jo Ann Billones de la Pena ng Nanay Lie's Kusina


Hindi nawawala ang pagkain ng puto bumbong tuwing sasapit ang Misa de Aguinaldo na mas kilala sa tawag na Simbang Gabi at madalas itong idinadaos tuwing madaling araw mula Disyembre 16 hanggang 24. Misa de Gallo naman ang tawag sa bisperas ng Pasko.

 

May paniniwala ang mga Pilipino na kapag nakumpleto ang siyam na araw ng Simbang Gabi, makakatanggap ito ng biyaya at maaaring matupad ang mga kahilingan.

 

Ipinagdiwang ng pamilya nila Vincent Belonio de la Pena, Jo Ann Billiones de la Pena at mga Pilipinong estudyante ang Christmas party

 

Samantala, ipinagdiwang, Biyernes, Disyembre 22, 2023 nina Vincent Belonio de la Pena at Jo Ann Billiones de la Pena ang Christmas party sa kanilang munting bahay kasama ng buong pamilya at mga ilang Pilipinong estudyanteng nag-aaral sa Beijing ng pagkakaroon ng maliit na handaan at salu-salo.

 

Ipinagdiwang ni Christina Carno ang kanyang kaarawan

 

Mapalad si Christina Carno na binigyan siya ng isang sorpresa para sa kanyang kaarawan ng mag-asawang de la Pena na lubos niya itong ikinatuwa at ipinagpasalamat. Hindi niya inaasahan na ang lahat ay nagsama sama para sa kanyang kaarawan at pagtitipon.

 

Sa kulturang Pilipino, tuwing sasapit ang Noche Buena, hindi nawawala ang mga iba’t ibang uri ng panghating-gabing pamahaw o pagkaing natatangi at madalas ihain gaya ng Lechon, Pinoy Spaghetti, Hamonado, Bibingka at Puto Bumbong, Crema de Fruta, Quezo de Bola, kasama ng mga prutas na bilog at iba pa.

 

Pinapahiwatig lamang ng mga masasarap na pagkain ang isang paraan ng pagsasalu-salo o pagbubuklod buklod ng mga pamilya, kamag-anak at mainit na pagtanggap sa mga kaibigan.

 

Sa kabilang banda, dahil sa nakaugalian, iba’t ibang uri ng pagdiriwang at palaro ang hindi nawawala tuwing nagaganap ang Noche Buena, gaya ng Newspaper Dance, Bring Me, Pinoy Henyo, Trip to Jerusalem at iba pa.

 

Hindi rin nawawala sa kaugalian ng mga Pilipino ang pagbibigayan ng mga regalo o exchange gift sa mga kamag-anak at kaibigan at lubos itong ikinatutuwa ng mga bata o matanda tuwing sila ay makakatanggap ng Aguinaldo o pera.


Pagdirwang ng Noche Buena nila Krystel Guo, mga kaibigan at Tsinong estudyante

 

Sa bisperas ng pasko, ipinagdiwang nila Krystel Guo at kanyang mga kaibigan, at mga batang Tsino ang Noche Buena na may temang pajama party, kung saan sila ay nakasuot ng pajamang may iba’t ibang uri ng hayop.

 

Ibinida nina Yan Yi Xing (kaliwa) at Zhuang Zi Han (kanan) ang gawang cupcake

 

Ipinagdiwang nila ito sa pagkakaroon ng sayawan, pagpapalitan ng mga regalo na may halong laro, at masasarap na pagkain. Kabilang dito ang mga ipinagmamalaking cupcake na ginawa nina Yan Yi Xing at Zhuang Zi Han kung saan ang lahat ay nasarapan. 

 

Para sa mga kapatid na Tsino, ang Disyembre 25 ay isang ordinaryong araw lang at hindi lahat ay ipinagdiriwang ito. Dahil sa impluwensiya ng Kanluran, samu’t saring palamuti at nakatayong Christmas tree ang makikitang nakadisplay sa loob at labas ng mga bahay, kabilang na ang mga gusali ng mga shopping mall.

 

Ulat/Larawan: Ramil Santos

Patnugot: Jade,Lito

Patnugot sa website: Sarah