Tsina sa Amerika: itigil ang pagbebenta ng sandata sa Taiwan at ilegal na sangsyon sa mga entidad ng Tsina

2024-01-07 10:46:56  CMG
Share with:

Isinapubliko kamakailan ng Amerika na muli itong magbebenta ng mga sandata sa rehiyong Taiwan, at papatawan ng sangsyon ang mga bahay-kalakal at indibiduwal ng Tsina sa iba’t-ibang katuwiran.


Kaugnay nito, ipinahayag ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang mga kilos ng Amerika ay lantarang lumalabag sa prinsipyong isang-Tsina at tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika.


Aniya, ang naturang mga hakbang ay malubhang nakakapinsala sa soberanya at kapakanang panseguridad ng Tsina, nakakasira sa kapayapaan at katatagan sa Taiwan Strait, at lumalapastangan sa makatarungan at lehitimong karapatan at kapakanan ng mga kompanya at indibiduwal ng Tsina.


Ipinahayag ng nasabing tagapagsalita ang matinding pagkadismaya at pagtutol ng Tsina sa usaping ito.


Iniharap na rin aniya ng pamahalaang Tsino ang solemnang representasyon sa pamahalaang Amerikano.


Bilang tugon, ipinasiya aniya ng Tsina na magsagawa ng sangsyon sa 5 kompanyang Amerikano na kinabibilangan ng BAE Systems Land and Armament, Alliant Techsystems Operation, AeroVironment, ViaSat at Data Link Solutions.


Ang sangsyong ito ay alinsunod sa Anti-Foreign Sanctions Law ng Tsina, anang tagapagsalita.


Kabilang pa aniya sa mga hakbangin ay pag-freeze sa mga ari-arian sa Tsina ng nasabing mga kompanya, at pagbabawal sa mga organisasyon at indibiduwal-Tsino na makipagkalakal at makipagkooperasyon sa kanila.


Ipinagdiinan ng tagapagsalita na matibay ang determinasyon ng pamahalaang Tsino sa pagtatanggol sa soberanya, seguridad, at kabuuan ng teritoryo ng bansa, at desidido itong protektahan ang lehitimong karapatan at kapakanan ng mga kompanya at mamamayang Tsino.


Hinihimok aniya ng panig Tsino ang panig Amerikano na tupdin ang prinsipyong isang-Tsina at tatlong magkasanib na komunikeng Sino-Amerikano, tupdin ang pandaigdigang batas at pundamental na norma ng relasyong pandaigdig, itigil ang pagbebenta ng sandata sa Taiwan, at itigil ang ilegal na unilateral na sangsyon laban sa Tsina.


Salin: Lito

Pulido: Rhio