Nag-usap kahapon, Enero 8, 2024 sa Cairo, Ehipto sina Pangulong Abdul Fatah Al-Sisi ng bansang ito at kanyang counterpart na si Mahmoud Abbas ng Palestina, para talakayin ang kasalukuyang kalagayan ng Palestina, lalong lalo na ang patuloy na sagupaan sa Gaza Strip.
Ayon sa inilabas na pahayag ng palasyong pampanguluhan ng Ehipto, idiniin ng pangulo ng dalawang bansa ang mahalagang papel ng Palestinian National Authority at dapat katigan nito ang lahat ng mga hakbangin para suportahan ang organong papel.
Naniniwala ang magkabilang panig na kinakailangan ang pagsasabalikat ng makasaysayan, pulitikal at makataong responsibilidad ng komunidad ng daigdig upang makatarungan at komprehensibong malutas ang isyu ng Palestina.
Kapwa nila ipinahayag na matatag na tinututulan ang anumang planong pagtatangka na saktan ang usapin ng Palestina o itaboy ang mga Palestino mula sa kanilang lupa sa anumang paraan.
Ayon sa datos na inilabas nang araw ring iyon ng departamento ng kalusugan ng Palestina sa Gaza Strip, mula Oktubre 7, 2023, mahigit 32 libong katao ang nasawi at mahigit 58 libo ang nasugatan sa aksyong militar na inilunsad ng tropang Israeli sa Gaza Strip.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil