Sa ilalim ng temang “Pagdating ng Pestibal ng Tagsibol ng Tsina, at Panonood ng Spring Festival Gala CMG,” idinaos ng China Media Group (CMG), Enero 26, 2024 (lokal na oras) sa New York, Estados Unidos ang aktibidad na tinaguriang “Spring Festival Overture.”
Layon nitong pasulungin ang pandaigdigang pagpapalitang pangkultura sa pamamagitan ng Pestibal ng Tagsibol.
Dumalo sa aktibidad ang mahigit 200 panauhing kinabibilangan nina Zhang Jun, Pirmihang Kinatawang Tsino sa United Nations (UN), Miguel Ángel Moratinos, Pangalawang Pangkalahatang Kalihim ng UN, at mga pirmihang diplomata ng Pilipinas, Hapon, Malaysia, Biyetnam, Cuba, Poland at iba pang mga bansa sa UN.
Sa kanyang video speech, ipinahayag ni Shen Haixiong, Presidente ng CMG, na ang Pestibal ng Tagsibol ay ang pinakamahalagang tradisyonal na kapistahan ng Tsina, at ipinagdiriwang ng halos 1/5 populasyon ng buong mundo sa iba’t-ibang porma.
Aniya, ang panonood sa Spring Festival gala ay kaugaliang pambagong-taon ng mga Tsino.
Sa pamamagitan ng bentahe ng CMG, isasahimpapawid ang naturang gala sa buong mundo upang maipamalas sa mga mamamayan ng iba’t-ibang bansa ang espesyal na pang-akit ng Pestibal ng Tagsibol at kulturang Tsino, dagdag pa niya.
Ipinahayag naman ni Zhang Jun na kahit nagmula sa Tsina, ang Spring Festival ay para sa daigdig.
Sa aktibong pagtataguyod ng panig Tsino at maraming bansa, pinagtibay aniya ng Pangkalahatang Asemblea ng UN ang resolusyong tumiyak sa Spring Festival bilang isa sa mga piyesta-opisyal ng UN.
Ito aniya ay ibayo pang nakakapagpayaman sa pandaigdigang katuturan ng nasabing kapistahan at nakakapagbigay sa mas maraming tao ng mas maraming impormasyon tungkol sa kulturang Tsino, dagdag niya.
Ipinaabot naman ni Miguel Ángel Moratinos ang pagbati ng Manigong Bagong Taon sa mga Tsino, at ipinahayag ang katuwaan sa pagiging piyesta-opisyal ng UN ang Pestibal ng Tagsibol.
Nagpasalamat din siya sa ibinibigay na suporta ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino sa mga gawain ng UN sa mahabang panahon.
Inaasahan ng UN na patuloy pang bubuti ang kooperasyon sa Tsina upang mapasulong ang progreso ng sangkatauhan at maisakatuparan ang mas maraming dakilang hangarin, aniya.
Ayon naman kay Steve Orlins, Puno ng National Committee on United States-China Relations, sa kabila ng mga kahirapan ng relasyong Amerikano-Sino noong nakaraang taon, matagumpay na nagtagpo sa San Fransisco ang mga lider ng dalawang bansa, bagay na nakakapagpasulong sa pagbalik ng relasyong ito sa tumpak na landas at nakakapaghatid ng benepisyo sa kanilang mga mamamayan.
Nananalig aniya siyang sa magkakasamang pagsisikap ng kapuwa panig, magiging taon ng kapayapaan at kasaganaan ang taong 2024.
Magkakasunod ding inihayag ng mga kalahok na panauhin ang kanilang kasiyahan sa pagdalo sa nasabing aktibidad.
Umaasa anila silang magpapatuloy ang bagong kabanata ng relasyong Sino-Amerikano sa bagong taon.
Salin: Lito
Pulido: Rhio