CMG Komentaryo: Dayuhang tagamanupaktura ng bagong enerhiyang sasakyan, di-maaring humiwalay sa bateryang gawa ng Tsina

2024-01-29 15:17:43  CMG
Share with:

Sa ulat kamakailan ng Korea Economic Daily na pinamagatang “Walang magandang alternatibo sa ‘Gawa sa Tsina'," inilahad ang dilemang kinakaharap ng mga kompanya ng kotse sa bansa.

 

Anito, habang patuloy na pinapataas ng gobyerno ng Estados Unidos ang mga kontrol sa pagluluwas sa Tsina, nahihirapan ang mga kompanya ng kotse sa Timog Korea dahil umaasa sila sa materyales ng baterya na gawa ng Tsina.

 

Para malutas ang problema, isinumite ng naturang mga kompanya ang panukala, at nanawagan sa pamahalaang Amerikano na paluwagin ang restriksyon sa Tsina at payagan silang bumili ng mga pangunahing materyales sa paggawa ng baterya mula sa Tsina.

 

Ang parehong dilema ay kinakaharap din ng Tesla.

 

Dahil nagkaroon ng hamon sa malawakang produksyon ng baterya para sa Cybertruck, walang ibang pagpipilian ang Tesla kundi humingi ng apurahang tulong mula sa mga kompanyang Tsino, para makuha ang suporta sa pagbili ng baterya.

 

Kasabay nito, isinulong din sa iba't-ibang okasyon ni Tate Reeves, Gobernador ng estadong Mississippi ng Amerika, ang kapapasa-lang na pangalawang pinakamalaking proyekto sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa kasaysayan ng estado; kung saan, apat na kompanya ang gugugol ng US$1.9 bilyong dolyares sa pagtatayo ng isang pabrika ng baterya.

 

Kabilang sa apat na nabanggit, hawak ng kompanya ng bateryang mula sa Tsina ang 10% sapi ng buong proyekto.

 

Halatang-halata itong kabaligtaran sa nakaraang pahayag ni Tate Reeves na ang teknolohiyang Tsino ay isang "existential threat."

 

Sa aksyon ng mga kompanya at gobyerno ng Estados Unidos at Timog Korea, madali nating makita ang impormasyong nais nilang ipahiwatig: ang pag-unlad ng kotseng gumagamit ng bagong enerhiya ay hindi maihihiwalay sa Tsina.

 

Sinabi ni Jane Nakano, isang iskolar na Amerikano, na marami pang dapat matutunan ang kanyang bansa sa Tsina sa larangan ng baterya ng bagong enerhiyang sasakyan.

 

Ipinahayag naman ng Bloomberg News na, kung walang Tsina, wala ring kosteng de-koryente na “Made in America,” at dapat manatiling mapagpakumbaba ang bansa sa larangang ito.

 

Bukod pa riyan, ipinalabas din kamakailan ng maraming organisasyong Amerikanong gaya ng Center for Strategic and International Studies (CSIS) ang parehong opinyon.

 

Anila, ang Tsina ay isang merkadong hindi maaaring humiwalay sa mga dayuhang mamumuhunan, at isa itong malakas na puwersang panulak para sa paglago ng pandaigdigang ekonomiya.

 

Ang Tsina ay tagapagluwas ng mga baterya at iba pang produkto, at mabilis ang pag-unlad ng Tsina sa maraming industriya, anila pa.

 

 

Salin: Kulas

Pulido: Rhio