Wang Yi, kinatagpo ng punong ministro ng Thailand

2024-01-30 11:14:30  CMG
Share with:

Bangkok — Sa pagtatagpo, Enero 29, 2024 (lokal na oras), nina Punong Ministro Srettha Thavisin ng Thailand at Wang Yi, Miyembro ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Ministrong Panlabas ng Tsina, ipinahayag ni Wang na ang Thailand ay palagiang priyoridad ng diplomasyang pangkapitbansa ng Tsina.

 

Aniya, umaasa ang Tsina, kasama ng Thailand, na panatilihin ang pagpapalitan sa mataas na lebel, palawakin ang pagpapalitang tao-sa-tao, hawakan ang oportunidad ng mutuwal na eksemsyon sa visa at pasulungin ang turismo sa isa’t isa, at palalimin ang pragmatikong kooperasyon gaya ng ekonomiya, kalakalan, pamumuhunan at iba pang mga larangan.

 

Ipinag-diinan ni Wang na dapat pasulungin ng dalawang panig ang de-kalidad na kooperasyon ng Belt and Road, pabilisin ang paglatag ng China-Thailand Railway, itulak ang maagang pagsasakatuparan ng China-Laos-Thailand Connectivity Development Corridor Outlook, para bigyan ng bagong lakas at oportunidad ang pangmatagalang pag-unlad ng dalawang bansa.

 

Sinabi naman ni Srettha, na ang paglagda ng mutuwal na eksemsyon sa visa ng dalawang panig ay magpapasulong sa pagpapalitan ng dalawang bansa sa ekonomiya, kalakalan, at pagpapalitan ng tao-sa-tao at higit pang palalakasin ang pagkakakaibigan ng kanilang mga mamamayan.

 

Nakahanda rin aniya ang kanyang bansa na aktibong lumahok sa kooperasyon ng Belt and Road at umaasa na ang mga kaukulang departamento ng dalawang bansa ay magpapalakas ng komunikasyon, magpapabilis ng pagsulong ng mga kaukulang proyekto at magpapataas ng lebel ng konektibidad sa rehiyon.

 

Matapos ang pagtatagpo, sinaksihan ng dalawang panig ang paglagda ng dokumento ng pagluluwas ng mga produktong agrikultural ng Thailand sa Tsina.

 

 

Salin: Kulas

Pulido: Rhio