Sa ilalim ng temang “Pagdating ng Pestibal ng Tagsibol ng Tsina, at Panonood ng Spring Festival Gala CMG,” idinaos ng China Media Group (CMG), Pebrero 2, 2024 (lokal na oras) sa tanggapan ng United Nations (UN) sa Geneva, ang aktibidad na tinaguriang “Spring Festival Overture.”
Layon nitong pasulungin ang pandaigdigang pagpapalitang pangkultura sa pamamagitan ng Pestibal ng Tagsibol.
Dumalo sa aktibidad ang mahigit 300 panauhing kinabibilangan nina Tatiana Valovaya, Direktor-Heneral ng Tanggapan ng UN sa Geneva, Chen Xu, Pirmihang Kinatawang Tsino sa Tanggapan ng UN sa Geneva, Li Chenggang, Pirmihang Kinatawang Tsino sa World Trade Organization (WTO), Ngozi Okonjo-Iweala, Direktor-Heneral ng WTO, at mga pirmihang kinatawan at diplomata ng mga bansang tulad ng Britanya, Belgium, Poland, Pakistan, Thailand, Timog Korea, Malaysia, at Cuba sa Geneva.
Sa kanyang video speech, ipinahayag ni Shen Haixiong, Presidente ng CMG, na ang Pestibal ng Tagsibol ay ang pinakamahalagang tradisyonal na kapistahan ng Tsina, at ipinagdiriwang ng halos 1/5 populasyon ng buong mundo sa iba’t-ibang porma.
Aniya, ang panonood sa Spring Festival gala ay kaugaliang pambagong-taon ng mga Tsino.
Sa pamamagitan ng bentahe ng CMG, isasahimpapawid ang naturang gala sa buong mundo para maipamalas sa mga mamamayan ng iba’t-ibang bansa ang espesyal na pang-akit ng Pestibal ng Tagsibol at kulturang Tsino, saad ni Shen.
Dagdag pa niya, ang kasalukuyang taon ay ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina. Nakahanda aniya ang CMG na kasama ng mga kaibigan ng iba’t-ibang sirkulo ng Switzerland, magsikap para mapalalim ang pagpapalitan at pagtutulungang pangkultura at mapasulong ang sibilisasyon ng sangkatauhan.
Ipinahayag ni Valovaya ang lubos na pasasalamat ng UN sa ibinibigay na ambag ng Tsina sa pangangalaga sa multilateralismo at pagpawi ng iba’t-ibang porma ng karalitaan at kagutuman.
Ginagampanan aniya ng Tsina ang masusing papel sa pagsasakatuparan ng 2030 Agenda for Sustainable Development.
Ipinahayag ni Chen Xu na patuloy na pasusulungin ng Tsina ang konstruksyon ng modernisasyon sa pamamagitan ng de-kalidad na pag-unlad.
Patuloy at ibayong pasusulungin ng Tsina ang multilateral na kooperasyong ang nukleo ay UN, para makapagbigay ng mas maraming ambag sa kapayapaan at komong kaunlarang pandaigdig, aniya.
Bumati rin si Okonjo-Iweala ng Manigong Bagong Taong Tsino sa mga mamamayang Tsino.
Nananabik aniya siyang kapit-bisig na magpupunyagi ang iba’t-ibang bansa upang magkakasamang lutasin ang iba’t-ibang problemang kinakaharap ng daigdig.
Salin: Lito