Sa kanyang pakikipagtagpo Pebrero 16, 2024, sa Munich ng Alemanya kay Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, ipinahayag ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, na ang kasalukuyang pangunahing gawain ng dalawang bansa ay pasulungin ang matatag, malusog at sustenableng pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano alinsunod sa komong palagay na narating ng pangulo ng dalawang bansa sa Los Angles noong nagdaang Nobyembre, 2023.
Si Wang ay dumadalo sa Munich Security Conference na idinaos sa Alemanya mula Pebrero 16 hanggang 21.
Sinabi ni Wang na dapat obdiyektibong pakitunguhin ng Amerika ang pag-unlad ng Tsina, aktibong isakatuparan ang mga pangako ni Pangulong Joseph Biden ng Amerika hinggil sa Tsina at gamitin ang mga aktuwal na aksyon para rito.
Idiniin ni Wang na iisa lamang ang Tsina sa daigdig at ang Taiwan ay isang di-maihihiwalay na bahagi ng Tsina. Ito aniya ay kasalukuyang katotohanan ng isyu ng Taiwan Strait.
Hiniling ni Wang sa Amerika na sundin ang prinsipyong isang Tsina at tatlong magkasanib na komunike ng dalawang bansa, at ipatupad ang mga pangako ng di-pagsuporta sa di-umanoy “pagsasarili ng Taiwan.”
Hinimok din ni Wang ang Amerika na paalisin ang mga ilegal na unilateral na sangsyon sa mga indibiduwal at bahay-kalakal ng Tsina at itigil ang pagkapinsala sa lehitimong karapatan ng Tsina hinggil sa pag-unlad.
Kaugnay ng pagpapalitang tao-sa-tao, hiniling ni Wang sa panig Amerikano na itigil ang panliligalig sa mga sibilyang Tsino na walang anumang dahilan.
Sinang-ayunan nina Wang at Blinken na panatilihin ng dalawang panig ang pag-uugnayan at diyalogo sa iba’t ibang larangan.
Tinalakay din nila ang mga mainit na isyung gaya ng krisis ng Ukraine, sagupaan sa pagitan ng Palestina at Israel, at isyu ng Korean Peninsula.
Salin: Ernest
Pulido: Vera