Tsina, hiniling sa Amerika na itigil ang pagbebenta ng armas sa Taiwan

2024-02-23 15:33:35  CMG
Share with:

Ayon sa inilabas na ulat kamakailan ng Kagawaran ng Depensa ng Amerika, inaprubahan ng Kagawaran ng Estado ng Amerika ang pagbebenta ng advanced tactical data link system na nagkakahalaga ng US$75 milyon sa Taiwan.

 

Kaugnay nito, ipinahayag Pebrero 22, 2024, ni Mao Ning, Tagapagsalita ng Minsitring Panlabas ng Tsina, na mahigpit na kinokondena at matatag na tinutulan ito ng Tsina.

 

Sinabi ni Mao na ang desisyong ito ng Amerika ay malubhang lumalabag sa prinsipyong isang-Tsina, at probisyon ng Tatlong Magkasanib na Komunike ng Tsina at Amerika. Ito rin aniya ay malubhang nakakasira sa soberanya at kapakanan ng seguridad ng Tsina, relasyong Sino-Amerikano, at kapayapaan at katatagan ng Taiwan Strait.

 

Sinabi pa niya na hinihimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na sundin ang prinsipyong isang-Tsina at Tatlong Magkasanib na Komunike ng dalawang bansa, itigil ang pagbebenta ng armas sa Taiwan at ugnayang militar sa Taiwan, at hindi pa likhain ang tensyon sa Taiwan Strait.

 

 

Salin: Kulas

Pulido: Ramil