Pagbebenta ng sandata ng Amerika sa Taiwan, matinding tinututulan ng Tsina

2024-02-25 11:15:55  CMG
Share with:

Ipinahayag kamakailan ng Kagawaran ng Depensa ng Amerika na inaprubahan ng Kagawaran ng Estado ng bansa ang pagbebenta ng advanced tactical data link system sa Taiwan, na nagkakahalaga ng US$75 milyon.


Kaugnay nito, ipinahayag Pebrero 23, 2024 ni Tagapagsalita Zhang Xiaogang ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na matinding tinututulan ng panig Tsino ang aksyong ito.


Matatag at malinaw aniya ang posisyon ng Tsina sa usaping ito.


Tinukoy ni Zhang na nitong ilang panahong nakalipas, malawakang sinusulsulan ng panig Amerikano ang isyu ng Taiwan, at tinatangka nitong gamitin ang paraang tulad ng arms sale at ayudang militar sa Taiwan, upang pataasin ang arogansiya ng mga puwersang naninindigan sa “pagsasarili ng Taiwan.”


Ang mga kilos na ito ay malubhang nakakapinsala sa soberanya at kapakanang panseguridad ng Tsina, malubhang nakakapinsala sa relasyon ng dalawang bansa at dalawang hukbo, walang galang na nanghihimasok sa suliraning panloob ng Tsina, at nakakapagpaigting sa tensyon sa Taiwan Strait, dagdag niya.


Hinihimok aniya ng panig Tsino ang panig Amerikano na ipatupad ang prinsipyong isang-Tsina at tatlong magkakasanib na komunikeng Sino-Amerikano, itigil ang pagbebenta ng mga sandata sa Taiwan, sibakin ang ugnayang militar sa Taiwan, itigil ang militarisasyon ng Taiwan sa anumang porma, at itigil ang probokatibong aksyong “pigilin ang Tsina sa pamamagitan ng Taiwan” upang mapangalagaan ang pangkalahatang kalagayan ng relasyon ng dalawang bansa at kapayapaan at katatagan sa rehiyon.


Isasagawa ng panig Tsino ang matatag at malakas na hakbangin para ipagtanggol ang soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa, diin pa niya.


Salin: Lito

Pulido: Rhio