Isinagawa kamakailan ng Pilipinas at Amerika ang ensayong militar sa dagat at magkasanib na pamamatrolyang panghimpapawid sa South China Sea, at inihayag ng panig Pilipino na hindi ito yuyukod sa maritime claim nito.
Ipinahayag din ng Philippine Coast Guard (PCG) na nilalabag ng mga bapor-Tsino ang “International Regulations for Preventing Collisions at Sea,” at lumalapit sila sa mga bapor ng PCG na nagpapatrolya sa Huangyan Dao.
Kaugnay nito, ipinahayag Pebrero 29, 2024 ni Tagapagsalitang Zhang Xiaogang ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na nakikipagsabwatan ang panig Pilipino sa mga dayuhang bansa upang guluhin ang situwasyon ng South China Sea.
Ini-organisa aniya ng panig Pilipino ang umano’y “magkasanib na ensayong militar” at “magkasanib na pamamatrolya,” na malubhang lumalabag sa diwa ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), nakakapinsala sa kapayapaan at katatagang panrehiyon, at tumataliwas sa ginagawang pagsisikap ng mga bansa sa rehiyon para sa pagprotekta sa kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Aniya, may di-mapapabulaang soberanya ang panig Tsino sa Huangyan Dao at nakapaligid na karagatan, kaya hinimok niya ang panig Pilipino na huwag basta-bastang kumilos alinsunod sa sariling kagustuhan at gumawa ng probokasyon.
Patuloy napangangalagaan ng panig Tsino ang sariling kapakanan, ipapatupad ang batas sa kontroladong karagatan, at buong tatag na poproteksyunan ang soberanya at kapakanang pandagat ng bansa, saad niya.
Salin: Lito
Pulido: Rhio