“Maritime Zones Act,” matinding tinututulan ng panig Tsino

2024-03-05 20:16:38  Chinese Foreign Ministry
Share with:

Pinagtibay kamakailan ng Senado ng Pilipinas ang “Maritime Zones Act.”


Kaugnay nito, ipinahayag Marso 5, 2024 ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina, na tangka nitong palakasin ang desisyon ng ilegal na arbitrasyon sa South China Sea sa pamamagitan ng domestikong lehislasyon, at ilegal na ilagay ang Huangyan Dao ng Tsina at karamihan sa mga bahura sa Nansha Qundao at karatig na karagatan sa teritoryong pandagat ng Pilipinas.


Ito aniya ay malubhang lumalapastangan sa soberanya ng teritoryo at karapatan at kapakanang pandagat ng Tsina.


Matindi aniyang tinututulan ng Tsina ang aksyong ito.


Saad ni Mao, nagharap na ng solemnang representasyon ang panig Tsino sa panig Pilipino.


Bukod diyan, inihayag din ni Mao ang posisyon ng panig Tsino sa isyu ng South China Sea:


Una, mayroong soberanya ang Tsina sa Nansha Qundao, at Zhongsha Qundao na kinabibilangan ng Huangyan Dao at mga karatig na karagatan. Ang soberanyang ito ay nabuo at natiyak sa proseso ng mahabang kasaysayan. Ang Tsina ay may lubos na batayang historikal at pambatas, at angkop sa “Karta ng UN” at pandaigdigang batas na tulad ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).


Ikalawa, ang saklaw ng teritoryo ng Pilipinas ay natiyak sa isang serye ng kasunduang pandaigdig. Ang Huangyan Dao at anumang bahura sa Nansha Qundao ay hindi nabibilang sa Pilipinas. Ang ilegal na pananakop ng Pilipinas sa Mahuan Dao, Feixin Dao, Zhongye Dao, Nanyao Dao, Beizi Dao, Xiyue Dao, Shuanghuang Shazhou at Siling Jiao ay malubhang lumalabag sa mga pandaigdigang batas na kinabibilangan ng “Karta ng UN.”


Ikatlo, kahit walang permisyon ng pamahalaang Tsino, unilateral na iniharap ng Pilipinas ang arbitrasyong pandaigdig na labag sa pandaigdigang batas na kinabibilangan ng UNCLOS. Ang hatol ng arbitral tribunal sa South China Sea ay ilegal at walang bisa. Hindi tinatanggap at hindi kalahok ang panig Tsino sa arbitrasyong ito, hindi tinatanggap at kinikilala ng panig Tsino ang nasabing hatol, at hindi tinatanggap ng panig Tsino ang anumang paninindigan at kilos na nakabase sa hatol na ito. Ang soberanya ng teritoryo at karapatan at kapakanang pandagat ng Tsina sa South China Sea ay di-apektado ng hatol na ito sa anumang kondisyon.


Ikaapat, ang soberanya ng teritoryo ay paunang kondisyon at pundasyon ng karapatan at kapakanang pandagat. Sa katuwiran ng pagsasakatuparan ng UNCLOS, isinusulong ng Pilipinas ang “Maritime Zones Act” na nagtatangkang isa-lehitimo ang ilegal na paninindigan at kilos nito sa South China Sea. Ang “Act” na ito ay malubhang lumalabag sa mga tadhana ng “Karta ng UN” at UNCLOS, malubhang lumalabag sa diwa ng “Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea,” at di-maiiwasang magpapasidhi ng situwasyon sa South China Sea.


Ikalima, hinihimok ng panig Tsino ang panig Pilipino na totohanang igalang ang soberanya ng teritoryo at karapatan at kapakanang pandagat ng Tsina, agarang itigil ang pagsasagawa ng anumang unilateral na aksyong posibleng makapagpalawak ng hidwaan at makapagpasalimuot sa situwasyon, bumalik sa tumpak na landas ng maayos na pagresolba sa alitan sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian, at magsikap kasama ng panig Tsino upang kapit-bisig na mapangalagaan ang pangkalahatang kalagayan ng bilateral na relasyon at kapayapaan at katatagan ng South China Sea.


Salin: Lito

Pulido: Rhio