Kamakailan ay madalas maganap ang hidwaan ng Tsina at Pilipinas sa isyu ng South China Sea, at paulit-ulit ding binanggit ng ilang bansa sa labas ng rehiyon, ang hinggil sa umano’y “hatol” ng arbitral tribunal sa South China Sea, dahil tangka nilang paguluhin ang situwasyon sa rehiyon.
Kaugnay nito, ipinahayag Marso 6, 2024 ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina, na matatag sa kabuuan ang kalagayan ng South China Sea.
Aniya, palagi at malinaw ang paninindigan ng Tsina sa karagatang ito, patuloy na magpupunyagi ang panig Tsino para maayos na pangasiwaan at kontrolin ang mga alitan, sa pamamagitan ng diyalogo’t negosasyon kasama ang mga kaukulang bansa; komprehensibo’t mabisang ipapatupad, kasama ng mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (FDOC); aktibong pasusulungin ang negosasyon ng Code of Conduct in the South China Sea (COC); at kapit-bisig na pangangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng nasabing karagatan.
Sa kasalukuyang kalagayan, ang maayos na paghawak sa isyu ng South China Sea ay napakahalaga hindi lamang para sa Tsina at Pilipinas, kundi sa buong rehiyon.
Sa katunayan, laging nagsisikap ang panig Tsino para mapayapang malutas ang nasabing isyu.
Maagang napagkasunduan na ng Tsina at mga bansang ASEAN ang tungkol sa pagprotekta sa kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Nagpupunyagi ang kapuwa panig sa pagpapasulong ng negosasyon ng COC.
Natapos na ang ikalawang pagbasa at pinasimulan ang ikatlong pagbasa ng Article ng COC na nagpapakitang ang kapayapaan at kooperasyon ay komong mithiin ng mga bansa sa rehiyon.
Samantala, sa ilalim ng China-Philippines Bilateral Consultation Mechanism (BCM), laging nagkakaroon ng matapat at mapagkaibigang pagpapalitan at pagkokoordinahan ang dalawang bansa tungkol sa pangkalahatang situwasyon ng South China Sea at mga isyung pandagat na kapuwa nila pinahahalagahan, at natamo ang positibong bunga.
Noong Enero 17 ng kasalukuyang taon, idinaos sa Shanghai ang Ika-8 Pulong ng BCM na magkasamang pinanguluhan nina Nong Rong, Asistanteng Ministrong Panlabas ng Tsina, at Maria Theresa P. Lazaro, Pangalawang Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas.
Sa pulong, buong pagkakaisang ipinalalagay ng dalawang panig na dapat komprehensibong isakatuparan ang mahalagang napagkasunduan ng mga lider ng dalawang bansa sa isyung pandagat.
Ipinagdiinan din nila na ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea ay angkop sa komong kapakanang Pilipino-Sino, at ito rin ay komong hangarin ng mga bansa sa rehiyon.
Ang mga ito ay kontra sa teoryang “If you’re not at the table in the international system, you’re going to be on the menu” ni Kalihim Antony Bliken ng Estado ng Amerika.
Mula noong sinaunang panahon, ipinalalagay at pinapalaganap ng kulturang Tsino ang kapayapaan.
Ang mga madalas sabihing salita ng mga Tsino na tulad ng “harmonya at kaligayahan,” “kayamanan ang dala ng harmonya,” at “sumisibol ang lahat kung maharmonya ang pamilya” ay pawang nagpapakita ng pagmamahal ng mga Tsino sa kapayapaan.
Ayaw nila ng labanan at laging isinusulong ang panalu-nalong resulta.
Ang pinaka-di-matatag na elemento at pangunahing bantang panseguridad sa South China Sea ay mula sa madalas na panghihimasok at panunulsol ng ilang di-kaukulang bansang gaya ng Amerika.
Ang tunay na hangarin sa likod nito ay hegemonyang may istilong-Amerikano.
Para sa Pilipinas, sa ngayo’y dapat itong magpatiwasay at makinig sa boses ng iba’t-ibang panig na kinabibilangan ng mga kapitbansa.
Hinggil sa tanong na “anong papel ang inaasahan mong mapapatingkad ng Amerika sa isyu ng South China Sea,” ipinahayag ni Punong Ministro Dato' Seri Anwar bin Ibrahim ng Malaysia, na kailangang resolbahin ng mga bansa sa loob ng rehiyon ang isyu ng South China Sea.
Hinikayat din niya ang pagkakaroon ng iba’t-ibang panig ng diyalogo at talastasan sa halip ng probokasyon.
Mahigit isang libong taon na ang pagkakaibigang Pilipino-Sino, samantalang ang hidwaan sa dagat ay may ilang taon lamang.
Mas mahalaga ang pagkakaibigang Pilipino-Sino kumpara sa alitan, at mas mahalaga rin ang kooperasyong Pilipino-Sino kumpara sa kontradiksyon.
Tiyak na mawawala ang pagkakaiba ng dalawang bansa sa pamamagitan ng pagkakaibigan at magpapatuloy ang pangkalahatang kalagayan ng mapagkaibigang kooperasyong Pilipino-Sino.
May-akda / Salin: Lito
Pulido: Rhio