Hinarang at pinaalis, Marso 23, 2024 ng China Coast Guard (CCG) ang Unaizah May 4 (UM4), bapor pansuplay ng Pilipinas, at dalawa pang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ren’ai Jiao.
Kaugnay nito, sinabi ni Tagapagsalita Wu Qian ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na sapilitang pumasok ang mga bapor ng Pilipinas sa nakapaligid na karagatan ng Ren’ai Jiao ng Nansha Qundao ng Tsina para maghatid ng materyal-pangkonstruksyon upang kumpunihin at patatagin ang BRP Sierra Madre, na sinadyang isinadsad sa lugar.
Alinsunod sa batas at regulasyon ng Tsina, kinontrol, hinarang at pinaalis aniya ng CCG ang nasabing mga bapor.
Saad niya, ang insidenteng ito ay ganap na resulta ng probokasyon ng panig Pilipino.
Ipinagdiinan ni Wu na may di-mapapabulaanang soberanya ang Tsina sa Nansha Qundao na kinabibilangan ng Ren’ai Jiao at mga nakapaligid na karagatan, kaya hindi pahihintulutan ng panig Tsino ang paglapastangan sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa.
Nais aniyang maayos na resolbahin ng panig Tsino kasama ng panig Pilipino ang alitan sa pamamagitan ng diyalogo at talastasan, ngunit tumaliwas ang panig Pilipino sa pangako nito, at tinatangkang patatagin ang nasabing ilegal na nakasadsad na bapor pandigma para maging permanenteng pasilidad.
Hinding-hindi magbubulag-bulagan ang panig Tsino tungkol dito, diin niya.
Binabalaan aniya ng panig Tsino ang panig Pilipino na itigil ang anumang pananalitang posibleng makakapagpalala sa kontradiksyon at situwasyon, at itigil ang lahat ng probokatibong aksyon.
Kung paulit-ulit na hahamunin ng panig Pilipino ang bottom line ng panig Tsino, patuloy nitong isasagawa ang matibay na hakbangin upang ipagtanggol ang sariling soberanya ng teritoryo at karapatan at kapakanang pandagat, diin Wu.
Salin: Lito
Pulido: Rhio