Cairo, Ehipto — Sa pag-uusap, Marso 30, 2024 ng mga Ministrong Panlabas na sina Sameh Shoukry ng Ehipto, Ayman Safadi ng Jordan, at Stephane Sejourne ng Pransya, ipinanawagan nila ang agaran at pangmalayuang tigil-putukan sa Gaza Strip at pagpapalaya sa lahat ng bihag.
Anila, kahindig-hindig na resulta ang idudulot ng makataong krisis, gutom, at pagbagsak ng sistemang medikal sa Gaza.
Ipinahayag din ng tatlong opisyal, na hindi dapat isagawa ang anumang puwersahang pagpapalayas sa mga Palestino mula sa kanilang lupa.
Hiniling nila ang pag-aalis sa lahat ng hadlang sa paghahatid ng mga pang-ayudang materyal upang mapasimple ang pagkakaloob ng mga makataong tulong sa mga taga-Gaza Strip.
Mariin nilang tinututulan ang paglulunsad ng anumang atakeng militar sa Rafah, lunsod sa katimugan ng Gaza Strip na kasalukuyang nagsisilbing kublihan ng 1.5 milyong Palestino na nawalan ng tahanan.
Sinabi nilang ang anumang pag-atake sa Rafah ay magbubunsod ng napakalaking kasuwalti at magpapasidhi sa makataong krisis sa lugar.
Salin: Lito
Pulido: Rhio