Paggarantiya sa komprehensibong pag-unlad ng kabataan, ipinanawagan ng panig Tsino

2024-04-04 10:27:16  CMG
Share with:

Nanawagan Abril 3, 2024 si Geng Shuang, Pirmihang Pangalawang Kinatawang Tsino sa United Nations (UN), sa komunidad ng daigdig na tulungan ang mga kaukulang bansa sa pagsasagawa ng mga mabisang hakbangin sa pagpawi ng kagutuman at karalitaan at pagpapalaganap ng edukasyon at medisina upang maigarantiya ang komprehensibong pag-unlad ng kabataan.


Sa isang bukas na pulong ng UN Security Council (UNSC) tungkol sa kabataan at sandatahang sagupaan nang araw ring iyon, ipinahayag ni Geng na ang kabataan ay pinaka-inosenteng biktima sa mga sandatahang sagupaan, at lubos silang nangangailangan ng tulong.


Ani Geng, lubos na kinakailangan ngayon ng mga 150 milyong bata sa buong mundo ang makataong ayuda, at ang paggarantiya sa maalwang pagsasagawa ng mga makataong aksyon at pagiging maligtas at maalwan ng humanitarian access ay pundasyon at paunang kondisyon sa pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga bata.


Umaasa aniya ang panig Tsino na isasagawa ng komunidad ng daigdig at UNSC ang aktuwal na aksyon upang mabigyang-suporta at tulong hangga’t makakaya ang bawat bata sa sandatahang sagupaan.


Sinabi ni Geng na ayon sa United Nations International Children's Emergency Fund (UNICEF), mahigit 13 libong bata ang namatay sa Gaza Strip nitong 6 na buwang nakalipas. Ang bakbakan sa Gaza aniya ay nagbunsod ng napakalaking kalamidad sa mga bata sa lugar.


Ang pangangalaga sa kabataan sa Gaza Strip ay hindi lang responsibilidad ng komunidad ng daigdig, kundi maging pagkakasundo ng UNSC, diin ni Geng.


Noong isang linggo, pinagtibay ng UNSC ang resolusyon bilang 2728 na hinihiling ang agarang tigil-putukan sa Gaza Strip. Ang kasalukuyang pinakamahalagang gawain ay pasulungin ang komprehensibo at mabisang pagsasakatuparan ng resolusyong ito upang bigyang-wakas ang lahat ng aksyong nakakapinsala sa mga sibilyan at bigyang-kapayapaan ang mga bata sa Gaza Strip, saad pa ni Geng.


Idinagdag pa niya na sa darating na Setyembre, idaraos ng UN ang Summit ng Kinabukasan. Dapat aniyang samantalahin ng komunidad ng daigdig ang pagkakataong ito upang pagplanuhan ang mas malinaw na blueprint sa larangan ng kabataan, ilabas ang mas pragmatikong hakbangin, at tulungan ang kabataan sa pagsasakatuparan ng komong kaunlaran.


Salin: Lito