Diyalogo ng mga kabataang Tsino’t Pranses, matagumpay na idinaos sa Paris

2024-05-06 11:39:09  CMG
Share with:

Kasabay ng dalaw-pang-estado sa Pransya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, idinaos Mayo 5, 2024 (lokal na oras) sa Paris ang “Alamin ang Modernisasyong Tsino — Diyalogo ng mga Kabataang Tsino’t Pranses” na itinaguyod ng China Media Group (CMG), Association of Paris Institute of Political Studies (APIPS), at Jinan University ng Tsina.


Magkakasamang sinaksihan ng mga kalahok na opisyal ang pagpapalabas ng “Ulat ng Imbestigasyon ng mga Kabataang Tsino’t Pranses sa Modernisasyong Tsino.”

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Presidente Shen Haixiong ng CMG, na nitong 60 taong nakalipas sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Pransya, kapit-bisig na nilikha ng kapuwa panig ang kapansin-pansing bungang pangkooperasyon sa pundasyon ng paggagalangan sa isa’t-isa.


Aniya, sapul nang pumasok ang kasalukuyang taon, malalimang nakilahok ang mga kabataang Pranses sa pag-aaral ng modernisasyong Tsino.

Dahil dito, malalim aniya nilang natutunan ang esensya nito.


Dagdag ni Shen, bilang pangunahing media sa daigdig, patuloy na itatatag ng CMG ang mga platapormang pandiyalogo para maramdaman ng mas maraming kabataan ang espesyal na bentahe ng Tsina sa makabagong panahon, at malaking kasiglahan ng pagtatayo ng modernong sibilisasyong Tsino.

Ayon naman kay Jack Lang, Ministro ng Kultura at Edukasyon ng Pransya, patuloy na tumitingkad ang papel ng Tsina sa arenang pandaigdig.


Hinggil dito, inaasahan aniya ng panig Pranses na mapapalakas ng kapuwa bansa ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, pagpapalitang pangkultura, at iba pa upang walang patid na mapasulong ang komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa.

Samantala, ipinahayag ni Sylvie Bermann, dating Embahador ng Pransya sa Tsina, na ang ugnayan ng puso ng mga Pranses at Tsino ay pinakamahalagang ugat ng pagkakaibigan ng dalawang bansa.

Aniya, ang pagpapalitan ng mga kabataan ng dalawang bansa ay may di-mahahalinhang papel tungo sa malalim at sustenableng pag-unlad ng relasyong Pranses-Sino at pagpapalalim ng pagkakaibigan at pag-uunawaan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.

Sa kabilang dako, isang Memorandum of Understanding (MOU) ang nilagdaan ng CMG at APIPS hinggil sa kooperasyon sa mga larangang gaya ng pagpapalitan ng mga eksperto’t iskolar, kooperasyon ng media, magkasanib na pag-aaral, at pagsasapubliko ng bungang akademiko.


Salin: Vera

Pulido: Rhio