Paris — Sa magkasamang pakikipagkita hapon ng Mayo 6, 2024 (lokal na oras) sa mga mamamahayag nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya, inilahad ni Xi ang paninindigan at posisyon ng panig Tsino tungkol sa bakbakan ng Palestina at Israel at krisis ng Ukraine.
Tinukoy ni Xi na patuloy hanggang ngayon ang sagupaan sa pagitan ng Palestina at Israel, at dapat kumilos ang komunidad ng daigdig tungkol dito.
Nanawagan aniya ang panig Tsino na pasulungin ang agarang pagsasakatuparan ng komprehensibo at sustenableng tigil-putukan sa Gaza Strip, katigan ang Palestina sa pagiging pormal na kasaping bansa ng United Nations (UN), at katigan ang pagpapanumbalik ng lehitimong karapatan ng Palestina at two-State resolution para maisakatuparan ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyong Gitnang Silangan.
Kaugnay naman ng krisis ng Ukraine, ipinagdiinan ni Xi na palagiang napapatingkad ng panig Tsino ang positibong papel para sa pagsasakatuparan ng kapayapaan.
Paulit-ulit aniyang napapatunayan ng kasaysayan na wala ibang pagpili kundi talastasan ang tanging kalutasan sa anumang sagupaan.
Ani Xi, nanawagan ang panig Tsino sa iba’t-ibang panig na panumbalikin ang pag-uugnayan at diyalogo, suportahan ang pagdaraos ng pandaigdigang pulong kung saan pantay na tatalakayin ang lahat ng kalutasang pangkapayapaan, at katigan ang pagtatatag ng balanse, mabisa, at sustenableng balangkas na panseguridad sa Europa.
Salin: Lito