Kasabay ng dalaw-pang-estado ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Pransya, inilabas Mayo 6, 2024, ng Tsina at Pransya ang “Magkasanib na Pahayag Hinggil sa Kalagayan ng Gitnang Silangan.”
Sa mga mahalagang tema na kinabibilangan ng bakbakan ng Palestina at Israel, isyung nuklear ng Iran, at krisis sa Red Sea, may nagkakaisang paninindigan ang dalawang bansa.
Mariing ipinakikita ng magkasanib na pahayag ang tunay na naisin ng sangkatauhan at kahilingan ng komunidad ng daigdig sa pangangalaga sa katuwiran at katarungan.
Bilang dalawang malaking bansa, ipinakikita rin nito ang responsibilidad ng Tsina at Pransya sa pangangalaga ng kapayapaan at katatagan ng daigdig, at paghahain ng mahalagang puwersang magpapasulong sa paglutas ng maiinit na isyu sa Gitnang-silangan.
Ang isyu ng Palestina ay sentral na usapin sa nasabing rehiyon, at nasa mahigit 200 araw na ang alitan sa bakbakan ng Palestina at Israel.
Sa kasamaang-palad, ito rin ay mitsa ng grabeng makataong krisis.
Bilang pirmihang miyembro ng United Nations Security Council (UNSC) at malalaking bansang may independiyenteng polisiya, ang Tsina at Pransya ay mayroong malawak na komong palagay sa usaping ito.
Habang nasa Pransya, nabanggit ni Pangulong Xi ang isyu ng Palestina at Israel sa maraming situwasyon.
Tinkoy niya, na ang pinakapangkagipitang bagay ngayon ay pagsasakatuparan ng ganap na tigil-putukan, paggarantiya ng pagkakaroon ng makataong tulong, at pagsasakatuparan ng “two-State solution.”
Kaugnay nito, ipinahayag ni Pangulong Macron, na nakahandang makipagkooperasyon ang Pransya sa Tsina para mapangalagaan ang multilateralismo, layunin ng Karta ng UN at pandaigdigang batas.
Ang “Magkasanib na Pahayag Hinggil sa Kalagayan ng Gitnang Silangan,” ay lubos na nagpapakita ng naturang mga paninindigan.
Sa kabilang dako, inulit din sa pahayag na kailangan ang pagsisikap para mapasulong ang diplomatiko at pulitikal na kalutasan ng isyung nuklear ng Iran, binigyan-diin ang kahalagahan ng pangangalaga sa malayang palalayag sa Red Sea at Gulf of Aden, at nanawagan para sa agarang pagtitigil ng pag-atake sa mga sibilyang bapor.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio