Dumalaw Mayo 7, 2024 sa Tarbes, Hautes-Pyrenees Department ng Pransya si Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Kasama ni Unang Ginang Peng Liyuan ng Tsina, siya ay sinalubong sa paanan ng bundok, nina Pangulong Emmanuel Macron at Unang Ginang Brigitte Macron ng Pransya.
Magkakasama silang nanood ng pagtatanghal ng lokal na sayaw sa timog Pransya.
Isinagawa rin ng dalawang pangulo ang estratehikong pag-uugnayan kaugnay ng ilang mahahalagang isyu.
Tinukoy ni Xi na naisakatuparan ng kanyang bansa ang unang sentenaryong target, at nananalig siyang sa ilalim ng tuluy-tuloy na pagsisikap ng mga mamamayang Tsino, tiyak na maisasakatuparan ang dakilang pag-ahon ng Nasyong Tsino.
Aniya, kahit may pagkakaiba ang Tsina at Pransya sa kaisipan at sistemang panlipunan, kapuwa mahalaga sa dalawang bansa ang pagpapalitan at mutuwal na pagkatuto ng mga sibilisasyon.
Sa pamamagitan ng diyalogo’t kooperasyon, maaaring magawa ng kapuwa panig ang makabagong ambag para sa kapayapaan at maisulong ang kaunlaran ng mundo at progreso ng sangkatauhan, dagdag niya.
Kasama ng Pransya, nakahanda aniyang palakasin ng Tsina ang pakikipagpalitang tao-sa-tao sa Pransya, walang humpay na palalimin ang kooperasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan, pahigpitin ang tumpak na pag-uunawaan, patibayin at ipamana ang pagkakaibigan ng mga mamamayan ng Tsina’t Pransya, at Tsina’t Europa.
Sinabi naman ni Macron na masalimuot ang kasalukuyang kalagayang pandaigdig, kaya napakahalagang panatilihin ng Europa ang estratehikong awtonomiya at pagkakaisa, pagpapaunlad ng magandang relasyon sa Tsina, at pagpapalakas ng bilateral at multilateral na kooperasyon.
Inaasahan ni Macron na mapapanatili ang mabuting pakikipag-ugnayan kay Pangulong Xi, tungo sa kapayapaan at katatagan ng Europa, maging ng buong daigdig.
Salin: Vera
Pulido: Rhio