Nagtagpo umaga ng Mayo 9, 2024 (lokal na oras), sa Sándor Palace, Budapest, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at Pangulong Tamás Sulyok ng Hungary.
Sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Tamás Sulyok ng Hungary (photo from Xinhua)
Tinukoy ni Xi na ang Hungary ay isa sa mga bansang pinakamaagang kumilala sa Bagong Tsina.
Aniya pa, sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, iginagalang ng Tsina at Hungary ang isa’t-isa, pantay na tinatrato ang isa’t-isa, at magkasabay na isinusulong ang ugnayang may mutuwal na kapakinabangan.
Sa kabila ng mga pagsubok na hatid ng nagbabagong panahon, matatag pa rin aniya ang relasyong Sino-Hungarian, at ito ay nasa pinakamabuting kalagayan sa kasaysayan.
Dagdag ni Xi, ang 2024 ay ika-75 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Hungary, kaya naman nakahanda siyang magsikap, kasama ni Pangulong Sulyok para pasulungin ang tradisyonal na pagkakaibigan, palalimin ang pulitikal na mutuwal na pagtitiwalaan, at palakasin ang mutuwal na kapaki-pakinabang sa kooperasyon, para paunlarin ang relasyon ng dalawang bansa sa mas mataas na antas.
Binigyan-diin ni Xi na nitong 75 taong nakalipas, napapanatili ng relasyong Sino-Hungarian ang matatag na pag-unlad, kaya dapat lagumin ng dalawang panig ang mga karanasan para maging gabay sa hinaharap.
Upang lalong mapabuti ang bilateral na relasyon ng dalawang panig, apat na suhestiyon ang inihayag niya:
Una, dapat igiit ang pagkakapantay-pantay at pagtahak sa landas ng pag-unlad na angkop sa kalagayan ng sariling bansa.
Ikalawa, dapat igiit ang pagtitiwalaan at pagtutulungan.
Ikatlo, dapat igiit ang kooperasyon at mutuwal na kapakinabangan.
Ikaapat, dapat igiit ang pagkakapantay at katarungan.
Binigyang diin din niyang ang hene-henerasyong pagkakaibigan ng Tsina at Hungary ay hindi nakatuon sa ikatlong panig at hindi rin dapat ito paghigpitan ng ikatlong panig.
Ani Xi, komprehensibong pinapasulong ng Tsina ang konstruksyon ng bansa sa pamamagitan ng modernisasyong Tsino, at ito ay magdudulot ng napakalaking pagkakataon para sa buong daigdig.
Nalulugod aniya ang Tsina sa pagsakay ng Hungary sa mabilis na tren ng pag-unlad ngmodernisasyong Tsino.
Ipinahayag din ni Xi ang pag-asang isusulong ng Hungary ang matatag at malusog na pag-unlad ng relasyon ng Tsina at Europa sa panunungkulan nito bilang rotating president ng Unyong Europeo sa huling hati ng 2024.
Samantala, pinasalamatan naman ni Pangulong Sulyok ang “Belt and Road Initiative (BRI)” na inilahad ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Aniya, nagdudulot ito ng benepisyo sa Hungary.
Mataas din aniyang pinupuri ng Hungary ang Global Development Initiative, Global Security Initiative at Global Civilization Initiative na inilahad ni Pangulong Xi.
Umaasa ang Hungary na lalo pang lalakas ang pakikipagpalitan sa Tsina, at bubuti ang pag-uugnay ng mga estratehiya ng pag-unlad ng dalawang panig upang magdulot ng mas maraming benepisyo sa mga Hungariano at Tsino, saad pa niya.
Nananalig aniya siyang ang historikal na pagdalaw ni Pangulong Xi ay magpapataas ng komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina at Hungary sa bagong mas mataas na lebel.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio