Budapest, Hungary —Nag-usap Mayo 9, 2024 (lokal na oras) sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Viktor Orbán ng naturang bansang Europeo.
Magkasamang idineklara ng dalawang lider na iangat ang relasyong Sino-Hungaryan sa antas na all-weather na komprehensibong estratehikong partnership para sa bagong panahon.
Sa kanilang pag-uusap, sinabi ni Xi na sa kasalukuyan, ang relasyon ng Tsina’t Hungary ay nasa pinakamagandang panahon sa kasaysayan. Umaasa aniya siyang sasamantalahin ng dalawang bansa ang ika-75 anibersaryo ng pagkakatatatag ng bilateral na relasyong diplomatiko na natatapat sa taong ito, para buhusan ng bagong lakas ang pagtutulungan sa iba’t ibang larangan at lumikha ng mas magandang kinabukasan para sa mga mamamamayan ng kapuwa bansa.
Ipinahayag din ni Pangulong Xi ang pasasalamat sa buong tatag na pagkatig ng Hungary sa Tsina sa mga isyu ng Taiwan, Hong Kong, karapatang pantao at iba pa. Buong tatag din ang suporta ng Tsina sa pagtahak ng Hungary sa landas ng pag-unlad na angkop sa kalagayan ng bansa, diin ni Xi. Nakahanda aniya ang Tsina na pasulungin ang estratehikong sinerhiyang pangkaunlaran sa Hungary para magkasamang tupdin ang pagtutulungan sa imprastruktura, berdeng enerhiya, malinis na enerhiya, artificial intelligence (AI) at iba pa.
Ipinahayag naman ni Orbán na nanangan, nananangan at mananangan ang Hungary sa prinsipyong isang-Tsina. Aniya, napakalaki ng natamong tagumpay ng Hungary at Tsina sa magkasamang pagpapasulong ng Belt and Road Initiative (BRI), bagay na lumikha ng bagong trabaho at nagpabuti ng pamumuhay ng mga mamamayang Hungaryan.
Ipinagdiinan ni Orbán na suportado ng Hungary ang mga pandaigdigang inisyatiba sa pag-unlad, seguridad, at sibilisasyon na iniharap ni Pangulong Xi, at hinahangaan din ang mahalagang ginagampanang papel ng Tsina para sa kapayapaan ng mundo. Ang pag-unlad ng Tsina aniya ay pagkakataon para sa Europa. Nakahanda ang Hungary na pahigpitin ang multilateral na komunikasyon at kolaborasyon sa Tsina para magkakasamang pangalagaan ang pandaigdigang kapayapaan at katatagan, dagdag pa ni Orbán.
Sinabi rin ni Orban na bilang bansang tagapangulo ng Unyong Europeo (EU), magsisikap ang Hungary para pasulungin ang malusog na pag-unlad ng relasyong Sino-Europeo.
Edit/Salin: Jade
Pulido: Ram