Ipinahayag Hulyo 4, 2024 sa Shanghai ni Premyer Li Qiang ng Tsina na ang pag-unlad ng artificial intelligence (AI) ay nangangailangan ng pagsasagawa ng malalimang pagtalakay at pagtatatag ng komong palagay sa pagitan ng iba’t ibang bansa, gayundin ng mga kolaboratibong pagsisikap para samantalahin ang pagkakataon at mapagtagumpayan ang mga hamon.
Habang tinutuguan ni Li ang seremonya ng pagbubukas ng 2024 World AI Conference and High-Level Meeting on Global AI Governance, sinabi niya na palagiang tinatanggap ng Tsina ang pag-unlad ng AI, buong sikap na isinusulong ang inobasyon ng AI, lubos na pinahahalagahan ang seguridad at pangangasiwa ng AI at isinasagawa ang mga praktikal na hakbangin para rito.
Aniya, kasama ng ibang mga bansa, nakahanda ang Tsina na pasulungin ang pagpapatingkad ng positibong papel ng AI para sa pandaigdigang pag-unlad at kapakanan ng buong sangkatauhan.
Humigit-kumulang 1000 dayuhang panauhin at kinatawan mula sa pandaigdigang organisasyon, industriya, at pamantasan at institusyong pananaliksik ang dumalo sa seremonya ng pagbubukas.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil