Sa pagtataguyod ng Tanggapan ng Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas sa Beijing (PDoT-Beijing) at Tourism Promotions Board (TPB), idinaos Agosto 1, 2024, sa ITB Flora Garden Restaurant, Beijing ang Dive Philippines Product Presentation and Networking Dinner.
Sa ilalim ng kampanyang "Love the Philippines," layon ng aktibidad na makipagtulungan sa 12 de-kalidad na Pilipinong diving supplier para dalhin sa mga mahilig sumisid ang pinakabagong impormasyon tungkol sa Philippine diving at mga espesyal na produkto sa 2024 Diving Resort Tourism (DRT) Show Beijing, na ginanap mula Agosto 2-4, 2024 sa China National Convention Center.
Sa eksklusibong panayam ng Serbisyo Filipino-China Media Group (SF-CMG), kay Jaime A. FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, sinabi niya na isang magandang pagkakataon para makapagdala sa Tsina ng mga grupong Pilipino na ang negosyo ay pagsisid.
Ito aniya ay magpapalawak ng imahe at magpapaganda ng pangalan ng Pilipinas sa Tsina bilang puntahan ng mga gustong maglakbay at sumisid.
Napakaraming mga lugar para sa pagsisid at turista, at maraming aktibidad ang maaaring gawin doon, hindi lang pagsisid, kundi pag-akyat ng bundok, paglangoy, snorkeling, at iba pa, dagdag ni FlorCruz.
Sinabi naman ni Ernesto S. Teston, Tourism Operations Officer ng PDoT-Beijing na idinaos ng DoT ang mga aktibidad para isulong ang pagsisid sa mga turistang Tsino.
Sa kanyang presentation, sinabi ni G. Teston na ang Pilipinas ang sentro ng saribuhay sa dagat o marine biodiversity, at kabilang ang Pilipinas sa coral triangle, kaya, walang ibang paraan kundi ang maranasan ang ganda ng Pilipinas.
Saad ni Teston na sa pamamagitan ng pagsali ng Kagawaran ng Turismo sa Diving & Resort Travel Expo (DRT Show) Beijing na gaganapin Agosto 2-4, 2024, nagdala sila ng mga seryosong dive shop at tagapamahala para himukin ang mga turistang Tsino na bisitahin ang Pilipinas at galugarin ang ganda ng yamang dagat.
Para kay Morpheus Gorobat Jr., Owner ng Starboard Diving Resort, San Luis, Batangas, sinabi niya na hindi na bago sa kanila ang pagkakaroon ng mga bisitang Tsino at ikatlo ang Tsina sa mga turistang bumibisita sa Pilipinas.
Inaasahan niya na sa taong ito na dadami pa ang mga turistang Tsino dahil, kasama ng Kagawaran ng Turismo, kaisa silang mga may-ari ng resort sa pagkakaroon ng magandang karanasan ng mga bisita pagdating sa pag-scuba diving, free diving, tirahan at pati na rin ang pagkakaroon ng hyper body chamber sa kanilang sariling resort.
Saad ni Gorobat Jr. na ang mga ito ay isang pagpapatunay na ang mga Pilipino ay maaasahan pagdating sa mabuting pagtanggap at pag-aruga ng mga bisita kaya, inaasahan niya na dadami pa ang mga Tsinong mahihilig sumisid na pumunta sa Pilipinas, hindi lang sa kanilang resort, pati na rin ang lahat ng dive destination ng mga iba’t ibang resort sa buong Pilipinas.
Nais naman sabihin ni Alex Bao, isang Tsinong vlogger at professional traveler, na bilang isang senior diver, napuntahan na niya ang maraming sikat na diving spots sa buong mundo, at ito ang kanyang kauna-unahang pagkakataon na makapunta sa Pilipinas noong Abril.
Aniya, para sa mga diver na katulad niya, ang Pilipinas ay isang magandang lugar para pagmasdan ang mga kakaibang higanteng hayop sa dagat at higit pa rito, napakalinis ng kalidad ng tubig, at ang mga kagamitan naman ay sulit na sulit.
Mga tanong: Ramil Santos/Jade
Ulat/Video-editing: Ramil Santos
Video shooting: Ramil/Sissi
Patnugot sa nilalaman: Jade
Patnugot sa website: Kulas