Isinagawa Oktubre 1, 2024 (oras ng Beijing), ng Israel ang panlupang aksyong militar sa katimugan ng Lebanon. Samantala, inilunsad ng Iran ang atakeng militar sa Israel.
Kaugnay nito, ipinahayag Oktubre 2, 2024 ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na lubos na ikinababahala ng panig Tsino ang magulong situwasyon sa Gitnang Silangan. Tinututulan aniya ng panig Tsino ang paglapastangan sa soberanya, kaligtasan, at kabuuan ng teritoryo ng Lebanon, at tinututulan ang pagpapalawak ng sagupaan.
Anang tagapagsalitang Tsino, nanawagan ang panig Tsino sa komunidad ng daigdig, partikular na may-impluwensiyang malalaking bansa, na patingkarin ang konstruktibong papel upang maiwasan ang ibayo pang kaguluhan ng situwasyon.
Ipinalalagay aniya ng panig Tsino na ang di-pagsasakatuparan ng pagtigil-putukan sa Gaza Strip ay nagiging pinag-ugatan ng magulong situwasyon sa Gitnang Silangan. Dapat magsikap ang iba’t-ibang panig upang maisakatuparan ang komprehensibo at pangmatagalang tigil-putukan sa Gaza sa lalong madaling panahon, dagdag pa niya.
Salin: Lito